MANILA, Philippines – Nagpasa ng kautusan ang Davao del Sur at bayan ng Compostela, Davao de Oro para ipatupad ang mandatory na pagsusuot ng face mask at mahigpit na health protocols dahil sa mga kaso ng monkeypox (mpox).
Inilabas ni Gobernador Yvonne Cagas ang Executive Order No. 20 sa Davao del Sur noong Mayo 28, habang si Mayor Levi Ebdao naman ng Compostela ay naglabas ng Executive Order No. 40 noong Mayo 29.
Kinakailangang magsuot ng mask sa mga pamilihan, pampublikong sasakyan, opisina, paaralan, simbahan, establisimyento ng negosyo, at iba pang lugar na siksikan o sarado.
Kabilang sa mga health protocol ang pagdistansya ng hindi bababa sa isang metro, madalas na paghugas ng kamay, maayos na bentilasyon, at pagdidisimpekta sa bahay, opisina, at pampublikong lugar.
Maaaring patawan ng parusa ang mga hindi susunod sa mga alituntunin.
Ito ay kasunod ng kumpirmadong kaso ng mpox sa bayan ng Magsaysay sa Davao del Sur, at isa confirmed case at tatlong suspected cases sa Davao de Oro. Sa Davao City, dalawang kaso ang kumpirmado at isa ang nasawi. RNT