MANILA, Philippines – Nalulungkot umano ang kontrobersyal na contractor na si Sarah Discaya sa mga reklamong inihain laban sa kanya.
Kasabay nito ay hindi rin nito maiwasang maisip ang pamilya habang nasa kustodiya ng National Bureau of Investigation.
“Maayos naman siya doon sa taas. Nalulungkot lang siya, siyempre may kasong nai-file sa kanya sa Davao, at dahil doon iniisip niya ang pamilya niya,” ayon sa abogado nitong si Atty. Cornelius Samaniego, sa panayam ng GMA News.
Ani Samaniego, sumuko si Discaya para makatulong sa kanyang kaso at pagkonsidera na rin sa kanyang kaligtasan.
“Hindi natin alam kung totoo o hindi, pero mas maganda na yung nakakasiguro. Siyempre ang tao nagagalit sa kanila, at hindi naiintindihan ang sitwasyon. May karapatan silang magalit, pero sa parte nila Ma’am Sarah at Sir Curlee, kailangan din nilang mag-ingat,” sinabi pa ng abogado.
“Hindi na natin pinahirapan ang gobyerno. Ito’y nagpapatunay lang na si Ma’am Sarah, Ma’am Rimando, malinis ang kanilang konsensiya,” dagdag ni Samaniego.
Idinagdag pa niya na ang restitution o pagsasauli ng pera o ari-arian, ang nagpabago sa isip ng kanyang kliyente para umatras sa pagiging state witness.
“Nung nandun na kami, nag-iba na ang ihip ng hangin, kasi restitution naman ngayon ang gusto muna,” ani Samaniego.
“Hindi naman requirement na mag-restitute ka. Korte lang talaga ang nagbibigay ng order kung magbabayad ka ng civil liabilities o magre-restitute ka ng ganitong amount.”
Sa kabila nito, sinabi ni Prosecutor General Richard Fadullon na bagamat walang batas kaugnay sa restitution, nararapat lamang na bawiin kung ano ang ninakaw.
“I think it’s only right that the people get back whatever they can from those who were responsible for committing the crimes,” ani Fadullon.