MANILA, Philippines- Nakipagtulungan ang Department of Trade and Industry (DTI) sa state-owned Development Bank of the Philippines (DBP) gayundin ang nangungunang fintech firms na Gcash at Maya para magtatag ng loan financing product para sa may-ari ng sari-sari store at market vendors na maaaring ma-avail sa pamamagitan ng mobile wallet applications.
Inihayag ito ni Trade Secretary Ma. Cristina Roque sa Asia CEO Forum sa Pasay City.
“We’re going to be launching a partnership between the DTI and the DBP so that the sari-sari stores and palengke [vendors] can also loan through using GCash, Maya… a quicker way to [access financing] using digital platforms,” sabi ni Roque.
Sinabi ni Roque na ang DTI at ang DBP ay maglalaan ng paunang P500 milyon para sa loan financing program para sa mga micro entrepreneur.
Sinabi niya na ang memorandum of understanding (MOU) para itatag ang inisyatiba ay lalagdaan sa loob ng buwan o sa unang linggo ng Abril o sa lalong madaling panahon.
Ang programa ay unang inilunsad sa Cebu kung saan naroon ang malalaking sari-sari stores.
Sinabi ni Roque na nilalayon ng DTI na mapadali ang pagkuha ng loan financing products sa sari-sari store owners at vendors. Jocelyn Tabangcura-Domenden