BUKIDNON-PATAY ang tatlong katao matapos mahulog sa tulay ang sinasakyan nilang van makaraan mabangga ng forward truck kahapon sa bayan ng Pangantucan.
Kinilala ang mga nasawi na sina Argon Bangit, 58, driver, asawa nitong si Sonia Bangit, 47 anyos, at pamangkin nilang si Shammah Jyra Mendoza Sumalinog, 15 anyos, lahat ay residente ng Brgy. Barandias, Pangantucan, Bukidnon.
Naka-hospital arrest naman ang suspek at driver ng forward truck na si alyas Bryan.
Batay sa report ng Pangantucan Municipal Police Station, bandang 4:30 PM Disyembre 19, 2024 naganap ang insidente sa Marabog Bridge, Barangay Lantay, ng naturan bayan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ang mga biktima ng Toyota Hi-Ace van na minamaneho ni Argon ng makasalubong ang Forward truck na minamaneho naman ni Bryan na may mga kargang tubo.
Bigla na lamang umanong nawalang ng kontrol sa manibela ang truck hanggan sa mabangga nito ang mga biktima.
Sa lakas ng pagkakasalpok nahulog sa tulay ang sasakyan ng mga biktima na naging sanhi ng agaran nilang kamatayan.
Nagtamo naman ng pinsala sa katawan si Bryan at agad na dinala sa ospital na ngayon ay nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide at damage to property./Mary Anne Sapico