MANILA, Philippines- Mahigpit na binalaan ng Supreme Court (SC) ang lahat ng opisyal at kawani ng hudikatura na maging responsable sa paggamit ng social media upang hindi mapatawan ng administrative sanction.
Ang responsableng paggamit ng social media ay isa sa mga iminungkahi at tinalakay sa pagsisimula ng Ethics Caravan para sa Proposed New Code of Conduct for Court Personnel at sa Proposed New Code of Judicial Conduct for the Philippine Judiciary.
Sa keynote message ni Chief Justice Alexander G. Gesmundo sa pagsisimula ng Ethics Caravan sa Iloilo, iginiit nito ang mas matibay na “ethical regime” para sa mga judge at sa mga abogado.
“When lawyers, judges, and courts and their personnel are ethical, they are sure to be efficient,” giit ni Gesmundo.
Nilinaw ng punong mahistrado na ang ethics caravan ay pagpapatuloy lamang ng naunang caravan na isinagawa ng SC upang isapinal ang pagbalangkas Code of Professional Responsibility and Accountability (CPRA), noong 2023.
Aniya, nais masiguro ng SC na gaya ng CPRA na inilabas na noong 2004 — ang dalawang bagong Code ay masusing napag-aralan at na-update upang maging makabuluhan ngayong panahon.
Bibigyan-diin sa proposed Codes ang kahalagahan ng pagiging accountable ng isang taga-hudikatura at ilalatag din ang responsibilidad kahit ng mga miyembro ng pamilya ng mga judges at court personnel.
“The two proposed Codes which are specific to the judiciary are crucial, given the nature of the Court’s work, and that these Codes must remain reflective and responsive to the public’s needs and realities.”
Ang mga susunod na caravan ay idaraos sa Agosto 9 sa Lipa City, Agosto 23 sa Davao City, Setyembre 5 sa Bacolod City, Setyembre 8 sa General Santos City at Nobyembre 8 sa Manila. Teresa Tavares