Home NATIONWIDE SC: Naagrabyadong asawa lang pwedeng humirit ng pagpapawalang-bisa ng ‘bigamous marriage’

SC: Naagrabyadong asawa lang pwedeng humirit ng pagpapawalang-bisa ng ‘bigamous marriage’

117
0

MANILA, Philippines- Tanging ang mga naagrabyadong asawa lang ang maaaring maghain ng petisyon para ipawalang-bisa ang kanilang kasal.

Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Ricardo R. Rosario, tinanggihan ng Korte Suprema ang petisyon ng isang Pilipina na gustong ipadeklarang walang-bisa ang kanyang ikalawang kasal dahil sa pagiging bigamous nito. Bigamous ang kasal kapag nauna nang ikinasal ang alin man sa mag-asawa.

Unang ikinasal ang Pilipina sa isang Chinese sa Hong Kong at sa Pilipinas. Pagkauwi ng Pilipinas, ikinasal naman siya sa isang Pilipino na dati niyang naging kliyente sa Hong Kong.

Nakakuha ang kanyang unang asawa ng divorce sa Hong Kong na kinilala ng isang korte sa Parañaque.

Makalipas ang 14 taon, naghiwalay naman ang Pilipina at ang kanyang Pilipinong asawa. Hiniling ng Pilipina sa korte na ipawalang-bisa ang ikalawang kasal dahil sa pagiging bigamous nito. Gusto rin niyang magpakasal muli. Pero tinanggihan ng Regional Trial Court at ng Court of Appeals ang kanyang petisyon.

Sa desisyon ng Korte Suprema, tanging ang naagrabyado o inosenteng asawa mula sa alin mang kasal ang may karapatang magpetisyon para sa pagpapawalang-bisa ng ikalawang kasal. Sa kasong ito, ang unang asawa ng nagpetisyon ang may hawak ng karapatang iyon, ngunit nawala ito pagkatapos makakuha ng diborsiyo. Ang karapatang ito ay hindi nailipat sa petitioner, na itinuturing na nagkasalang asawa.

Sa ilalim ng Article 35(4) ng Family Code, ang bigamous marriages, o ang mga kasal na pinasok habang ang alin mang partido ay legal na kasal sa iba, ay hindi wasto sa simula. Gayunman, ang mga bigamous na kasal ay dapat pa ring ideklarang walang bisa ng korte para sa layunin ng muling pagpapakasal. Teresa Tavares

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here