MANILA, Philippines – Dapat alamin maigi ng mga bumibili ng lupa ang tunay na pagmamay-ari nito sa pamamagitan ng pag-inspect sa certificate of title at sa talaan sa Registry of Deeds upang maiwasan ang mga mapanlinlang na transaksyon.
Ito ang paalala ng KorteSuprema sa Desisyon na isinulat ni Associate Justice Alfredo Benjamin S. Caguioa kung saan kinatigan ng Third Division ng Korte ang mga desisyon ng Regional Trial Court at Court of Appeals (CA) na nagpawalang-bisa sa mga titulo ng lupa sa Sta. Teresita, Angeles City ng mag-asawang Orencio at Eloisa Manalese.
Bumili ang mag-asawang Manalese ng dalawang lote ng lupa kay Carina Pinpin , na nagpakita ng mga duplicate na certificate of title sa kanyang pangalan at sinabing binili nila ang mga ari-arian mula sa mga orihinal na may-ari na sina Narciso at Ofelia Ferreras . Nagpakita si Pinpin ng isang deed of sale bilang patunay ng kanyang pagmamay-ari, na nagpapahintulot sa mag-asawang Manalese na ilipat ang mga titulo sa kanilang pangalan.
Pero hinamon ni Danilo Ferreras, ang tagapangasiwa ng Ferreras Estate, ang bisa ng mga titulong ito sa harap ng RTC at sinabing ang mga ari-arian ay legal pa rin na pagmamay-ari ng Estate. Sinabi niya na si Pinpin ay mapanlinlang na nakakuha ng mga duplicate na titulo sa pamamagitan ng pagsusumite ng isang maling affidavit of loss at isang pekeng deed of sale.
Ayon sa Korte, bigo ang mag-asawang Manalese na suriing mabuti kung sino ang tunay na may-ari ng lupa. Iginiit ng Korte na hindi sapat ang pagsaalang-alang lamang sa titulo, lalo na kung may mga palatandaan ng panloloko o iregularidad. Dahil dito, dapat na suriin ang parehong titulo at ang talaan ng Registry of Deeds bago bumili ng lupa ang sinuman.
Dagdag pa ng Korte, walang good faith kung kahina-hinala na ang bentahan pero ito ay binabalewala lang ng bumibili.
Sa ilalim ng Presidential Decree (PD) No. 1529 o ang Property Registration Decree, ang isang re-issued title ay duplicate lamang at walang legal weight di tulad ng orihinal na titulo.
Dahil ang mag-asawang Manalese ay may hawak ng mga duplicate na sertipiko, ang dapat nilang ginawa ay i-verify agad ang mga ito sa Registry of Deeds. Teresa Tavares