Home NATIONWIDE Sibakan sa BI sigurado sa pumugang wanted na koreano

Sibakan sa BI sigurado sa pumugang wanted na koreano

MANILA, Philippines – TINIYAK ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony M. Viado na may gugulong na mga ulo sa kanilang ahensiya kasunod sa naganap na pagtakas ng isang puganteng South Korean noong Marso 4 sa Quezon City.

Nabatid na ang South Korean national na si Na Ikhyeon, 38, ay sinamahan ng mga tauhan ng immigration sa Quezon City Prosecutor’s Office upang harapin ang kasong estafa na isinampa ng isang Filipina na may-ari ng jewelry shop makaraang mabigo ang dayuhan na i-remit sa kanya ang pagbebenta ng mga alahas sa kabila ng paulit-ulit nitong paniningil.

Batay sa ulat, nagawa ng South Korean national na makatakas sa kanyang mga escort matapos magtungo nito sa banyo ng dinaluhan nitong pagdinig.

Ayon sa BI, ang South Korean ay pinaghahanap sa kanyang bansa dahil sa umano’y mapanlinlang na pamumuhunan. Si Na ay inaresto ng mga operatiba ng BI noong Mayo 31, 2023 at hindi agad ma-deport dahil sa kasong estafa na isinampa ng isang may-ari ng jewelry shop.

Sinabi ni Viado na nag-utos siya ng internal audit sa lahat ng tauhan na nakatalaga sa mga kaso ng high-risk deportation at detention para matiyak na may mga mahigpit na gwardiyang nagbabnatay dito at maiwasan ang hindi kanais-nais na kaganapan.

“This is a direct and undeniable breach of duty. Walang palusot, walang sisihan, lahat ng sangkot mananagot,” ani Viado.

“We will not tolerate negligence, corruption, or collusion within our ranks,” babala pa ng opisyal.

Sa ngayon ay nagsasagawa ng manhunt operation ang BI laban sa nakatakas na dayuhan. JR Reyes