MANILA, Philippines – Hinimok ni House lead prosecutor at Gerville Luistro na pag-aralan kung maaaring gamitin ang desisyon ng Avelino v. Cuenco sa pagtukoy ng kinakailangang bilang ng boto para sa paghatol o pagpapawalang-sala sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Luistro, sa nasabing kaso ay nabawasan ang quorum dahil may mga senador na wala sa saklaw ng kapangyarihan ng Senado.
“Sa akin po, dapat ito ay pag-aralan rin kung posible bang sundan din itong jurisprudence na ito for the purpose of determining the number of required votes for the purpose of conviction. Hindi lang conviction, pati acquittal,” aniya.
Sa ilalim ng Konstitusyon, kailangan ang boto ng dalawang-katlo ng lahat ng senador para mahatulan ang isang opisyal sa impeachment trial.
Sinabi rin ni Luistro na dapat linawin ng Supreme Court of the Philippines kung ano ang tamang bilang ng boto na kailangan para sa conviction o acquittal.
Samantala, kinilala ng Kamara si Sherwin Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at acting Senate President, ngunit umaasa pa rin silang magkaroon ng pormal na halal na Senate President upang maiwasan ang mga isyung konstitusyonal.
Nakatakda ring isumite ng House prosecution panel ang kanilang pre-trial brief, na naglalaman ng mga kasunduang katotohanan (stipulation of facts), listahan ng mga testigo, at mga dokumentong ihaharap sa paglilitis.
Gaganapin ang pre-trial conference sa Hunyo 18, kung saan tatalakayin ng magkabilang panig ang mga isyung pag-uusapan sa impeachment trial ni Duterte. RNT/MND