MANILA, Philippines – Ipinaalala ng Supreme Court (SC) sa mga abugado na nagsisilbi bilang notary public na maging maingat at huwag balewalain ang kanilang tungkulin.
Iginiit ng SC na ang notarization ay hindi isang walang kuwenta, walang saysay at nakagawian na gawain, bagkus, ang mga dokumento na sa sandaling ma-notaryo ay maari ng tangapin bilang ebidensya ng hindi kailangan ng pruweba kung tunay ito o naayon ang pagpapatupad.
“Full faith and credit are accorded to a notarized document. Courts, administrative agencies, and the public rely upon the acknowledgment executed by a notary public and appended to a private instrument.”
Dahil dito, sinabi ng SC na ang mga binigyan karapatan na maging notary ay obligado na maging maingat sa pagganap sa kanilang tungkulin. Ang kabiguan na makasunod sa tungkulin na itinatakda ng Notarial Rules ay basehan upang mabawi ang kanilang notarial commission.
Inihalimbawa ng SC ang desisyun nito na bawiin ang notarial commission ng isang Atty. Nicodemus A. Tago na dinisqualify bilang notary public ng dalawang taon at sinuspinde sa pagiging abugado ng isang buwan.
Sa rekord ng kaso, taon 2013 nag-notarize si Tago ng dalawang kontrata- isang memorandum of agreement at contract of service na ipinagawa ng alkalde ng isang bayan sa Bohol.
Hindi naitala ni Tago ang dalawang kontrata sa kanyang notarial book at hindi man lang kumuha ng kopya ng dalawang dokumento na kanyang na-notarized. Hinayaan din nito na hindi humarap ang mga indibidual na nagpa notaryo ng dalawang kontrata.
Idinahilan ni Tago na personal niyang kilala ang mayor at iba pang kasama sa kontrata.
Gayunman, sinabi ng SC na hindi sapat na kilala ng notary public ang mga signatories. Nakasaad sa Notarial Rules na kailangan humarap sa notary public ang mga lalagda upang maberipika na sa kanila mismo ang lagda.
Bukod sa paglabag sa Notarial Rules, nilabag din nito ang Code of Professional Responsibility (CPR) partikular ang Canons 133 at 1034 nt CPR. TERESA TAVARES