MANILA, Philippines- Inatasan ng Supreme Court (SC) ang 12 government agencies na magsumite ng ulat sa katapusan ng buwan ukol sa kanilang pagsisikap sa rehabilitasyon ng Manila Bay at environmental implications ng reclamation projects sa lugar.
Sa press release na ipinost nitong Miyerkules, sinabi ng SC na dapat idetalye ng mga ahensya ang benchmark kung paano sinusukat ang polusyon sa Manila Bay, at ang mga estratehiya ng gobyerno upang makatalima sa kanilang mandato na ipreserba ito.
Hiniling ng korte sa Metropolitan Manila Development Authority; Departments of Environment and Natural Resources, Education, Health, Agriculture, Public Works and Highways, Budget and Management, Interior and Local Government; Philippine Coast Guard, Philippine National Police Maritime Group, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, at sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System na ilista rin ang kanilang layunin sa susunod na limang taon.
Bukod sa ulat, sinabi ng SC na magsasagawa ito ng oral arguments sa Manila Bay pollution case subalit hindi binanggit kung kailan.
Ipinag-utos ng korte noong 2008 sa kaukulang government agencies na linisin, ayusin, at ipreserba angManila Bay. Taong 2011, iniatas nito sa party government agencies na magkasa ng mga direktiba para maipatupad ang 2008 decision.
Lahat ng reclamation projects sa Manila Bay ay sinuspinde ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Agosto. Sinabi ni Environment Secretary Ma. Antonia Yulo-Loyzaga na 22 proyekto ang sinusuri, kabilan ang ongoing projects, may permits, at mga kinukumpleto ang mga dokumento. RNT/SA