ROSALES, Pangasinan – Upang matiyak ang ating food security habang hinihikayat ang kabataan na maging magsasaka, nais ni dating Senador at 2025 senatorial candidate Panfilo “Ping” M. Lacson na magkaroon ng scholarship program para sa estudyante – lalo ang mga anak ng magsasaka – na nais magtrabaho sa agrikultura.
Ani Lacson nitong Miyerkules, ang ganitong programa na katulad ng “Doktor Para sa Bayan Act” na inakda ni dating Senate President Vicente Sotto III ay magbibigay ng kaalaman sa kabataan para gamitin ang mga panibagong teknolohiya sa agrikultura.
“Para ito ma-encourage ang anak ng magsasaka na mag-aral ng bagong teknolohiya, bigyan ng pagkakataong magkaroon ng scholarship para bagong teknolohiya ang kanilang gagamitin, hindi tulad ng nakakagisnan na mano-mano,” aniya sa Konsultahang Bayan kasama ang lokal na magsasaka dito.
“Ma-enhance ang productivity at ma-increase ang interest ng kabataan sa pagsasaka,” dagdag niya.
Ani Lacson, ang mas mainam pa dito ay maaaring maging exporting country sa halip na importing country ang Pilipinas sa pangmatagalan.
Marami sa mga magsasaka ang pumalakpak nang tinanong sila ni Lacson kung payag ba silang magkaroon ng ganitong agriculture scholarship program.
Ayon kay Lacson, ang University of the Philippines in Los Banos (UPLB) ay isa sa mga may kurso na nagtuturo ng biotechnology.
Nakabili ang UPLB National Institute of Molecular Biology and Biotechnology (BIOTECH) ng moderno at state-of-the-art na gamit dahil sa taunang pagtaas sa budget nito – at ito ay dahil sa mga institutional amendments na ginawa ni Lacson sa pambansang budget.
“Dapat meron tayong kabataang magsasaka para sa bayan kung saan mapagaralan ang bagong kagamitan para ma improve ang production ng magsasaka. Pwede tayong magdagdag ng pondo sa kaukulang ahensya na luma ang equipment,” diin ni Lacson.
Samantala, iginiit muli ni Lacson ang digitalization ng transaksyon sa pamahalaan, para matugunan ang pangangailangan ng magsasaka gamit ang “data-driven and science-based approach.”
Gamit ang datos, malalaman ng awtoridad kung saang lugar ang nangangailangan ng dagdag na tulong o gamit, aniya.
Kung hindi, magkakaroon lamang ng puwang para sa discretion, at puwang na rin para sa katiwalian.
“Kung naghuhula tayo, may discretion, pag may discretion, may corruption,” aniya. RNT