MANILA, Philippines- Ipinanukala sa Senado na maglaan ng hiwalay na special budget para sa paglalagay ng CCTVs sa lahat ng public school sa bansa upang maiwasan ang bullying na nakakasagabal sa pag-aaral.
Sa ginanap na pagdinig ng Senate committee on basic education, sinabi ni Senador Win Gatchalian na kailangang maglagay ng CCTVs sa lahat ng public school matapos imbestigahan ang ilang high school na may kaso ng bullying na nagresulta sa ilang mararahas na insidente.
“Maybe it’s about time to already allocate a separate budget for CCTV and I will move for the 2026 budget will include a separate item for CCTVs in schools,” ayon kay Gatchalian.
“I think that would be a good preventive measure. Alam naman natin, tayo mismo, kung alam natin na may CCTV nag-iisip tayong maraming beses bago gumawa ng hindi maganda. So para maproteksyunan ang mga eskwelahan natin at yung mga estdyante at teachers natin, it’s about time na maglagay tayo ng separate budget for CCTVs,” dagdag niya.
Ayon kay Department of Education Assistant Secretary for Operations Dexter Galban, walang espisipikong alokasyon ng CCTVs sa annual budget ng ahensya.
“The schools may purchase it via [maintenance and other operating expenses],” pahayag ni Galban.
Sa Moonwalk National High School, isa sa ilang secondary education schools na inimbitahan ng lupon hinggil sa huling insidente ng pananaksak sa estudyante, sinabi ni Principal Leonisa Romano na nakabili sila ng CCTVs sa paggamit ng MOOEs.
Ayon kay Romano, namo-monitor nila ang galaw ng estudyante sa nasasakupan ng paaralan sa pamamagitan ng CCTVs.
“‘Pag may pangyayari kasi makikita mo agad sa principal’s office,” wika niya.
Subalit, aniya, hindi ito bahagi ng budget plan ng paaralan, kundi inisyatiba lamang nila. Ernie Reyes