Home NATIONWIDE Test scores ng mga estudyante apektado ng school bullying – EDCOM II

Test scores ng mga estudyante apektado ng school bullying – EDCOM II

170
0
Pinangunahan ni Senator Bam Aquino ang pampublikong pagdinig ng komite ng Senado sa batayang edukasyon, na pinagsamang isinagawa kasama ang komite sa pananalapi, nitong Lunes, Marso 16 upang talakayin ang mga panukalang hakbang na palawakin ang saklaw ng Anti-Bullying Act of 2013 at upang tugunan ang lumalalang mga alalahanin tungkol sa bullying sa mga paaralan. CESAR MORALES

MANILA, Philippines — Malaki ang epekto ng bullying sa paaralan sa academic performance ng mga estudyante, ayon sa ulat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II).

Sa pagdinig ng Senate Commission on Basic Education tungkol sa Anti-Bullying Act, sinabi ni EDCOM II Technical Specialist Riz Comia na ang madalas na exposure sa bullying ay direktang nakaaapekto sa kakayahan ng mga mag-aaral na matuto.

“Direct driver ito ng learning crisis natin. Kapag madalas na nabubully ang isang learner, bumababa nang malaki ang kanilang test scores,” pahayag ni Comia sa panel na pinamunuan ni Sen. Bam Aquino.

Batay sa 2019 Trends in International Mathematics and Science Study, ang mga estudyanteng nabubully lingguhan ay nakapagtala ng 41 puntos na mas mababa sa Math at 52 puntos na mas mababa sa Science kumpara sa mga nabubully lamang buwan-buwan.

Sa 2022 Programme for International Student Assessment (PISA) naman, lumabas na 43 porsiyento ng babaeng estudyante at 53 porsiyento ng lalaking estudyante ang nakakaranas ng bullying nang ilang beses bawat buwan.

Samantala, sa ulat ng Southeast Asia Primary Learning Metrics, lumalabas na 50 porsiyento ng Grade 5 students ang nakakaranas ng bullying kahit isang beses kada buwan.

Ibinunyag din ni Comia ang ilang problema sa administrasyon ng mga paaralan, kabilang ang underreporting ng bullying cases at kakulangan ng personnel na hahawak sa ganitong mga insidente.

Aniya, may mga paaralan na hindi agad nagrereport ng bullying dahil nagmumukhang magandang performance indicator ang zero cases.

Dagdag pa rito, 79 porsiyento ng guidance counselor positions sa public schools ang bakante pa rin, kahit sila ang pangunahing tumutugon sa behavioral concerns ng mga estudyante.

Ayon kay Comia, kulang din ang bilang ng licensed guidance counselors na nagtatrabaho sa mga paaralan.

Kabilang sa iba pang hamon ang kakulangan ng malinaw na student handbooks, sapat na training para sa mga guro sa paghawak ng student conflicts, at programa para sa mga magulang at estudyante tungkol sa bullying.

Inirekomenda ng EDCOM II ang paglalaan ng sapat na pondo at tauhan para sa mga programang tutugon sa bullying, pati ang paglikha ng posisyon na “discipline officer” na hiwalay sa trabaho ng guidance counselors.

Patuloy namang nire-review ng Senado ang Anti-Bullying Act kasunod ng mga ulat tungkol sa mataas na kaso ng bullying sa bansa.

Mula pa noong 2018, tinagurian ng PISA ang Pilipinas bilang “Bullying Capital of the World,” na nananatiling obserbasyon sa mga ulat noong 2022 at 2025. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here