MANILA, Philippines – Hihigpitan pa ang pagbabantay sa mga screening officers ng Office for Transportation Security o OTS kasunod ng nangyaring pagkawala ng pera ng isang pasaherong Aussie.
Kasabay ng Department of Transportation (DOTr), nagbabala na hindi papayagan ang anumang maling gawain.
Ayon sa ahensya, masusing binabantayan ang kilos ng mga screening officers upang masiguro ang pananagutan, lalo na’t inaasahan ang pagdami ng mga pasahero na nagbabalik mula sa domestic at international trips matapos ang Semana Santa.
Babala ni Transport Secretary Giovanni Lopez na kung mapatunayan na ang ilang mga OTS Security Screening Officers ang nangunguna sa paglabag ng batas, kabilang na ang pagnanakaw ng mga gamit o pera ng mga pasahero, tiyak na may kalalagyan umano ang mga ito at sisiguruhing mapaparusahan ang mga nagkasala.
Nauna nang iniutos ni Lopez ang pag-relieve sa dalawang screening officers at isang supervisor sa NAIA Terminal 3 habang iniimbestigahan ang ulat ng pagkawala ng P7,000 mula sa isang Australian na pasahero.
Ang tatlong tauhan ay nahaharap ngayon sa parehong criminal at administrative cases.
Pinaalalahanan din ng Kalihim ang mga pasahero na i-report ang anumang kahina-hinala o maling asal ng mga airport personnel.
Dagdag pa niya, upang maiwasan ang hindi kinakailangang inspeksyon ng bagahe, pinapayuhan ang mga biyahero na huwag magdala ng mga ipinagbabawal na gamit. Jocelyn Tabangcura-Domenden