Home METRO Search and rescue sa gumuhong gusali sa Angeles, tinapos na

Search and rescue sa gumuhong gusali sa Angeles, tinapos na

74
0

MANILA, Philippines – Opisyal nang tinapos ng mga awtoridad ang search and rescue operations sa gumuho at ginagawang gusali sa Angeles City, Pampanga matapos wala nang makitang senyales ng buhay sa ilalim ng mga guho, ayon sa pamahalaang lungsod.

Sinabi ni Angeles City public information office chief Jose “Jay” Pelayo IV na idineklara ng Unified Command System ang pagtatapos ng rescue operations alas-8:27 ng gabi noong Lunes matapos ang final assessment gamit ang life locator equipment mula sa Pasig City local government unit.

“Itong decision po was made following the final assessment. ‘Yun kasing ating mga kasama mula sa Pasig City local government unit, meron silang equipment na tinatawag na life locator,” ani Pelayo sa panayam nitong Martes.

“Meron itong radar system, kung saan doon sa kanilang final na testing na ginawa kagabi, consistent na ito na nag-i-indicate na wala nang signs of life doon sa apektadong lugar,” dagdag niya.

Inilipat na ng mga awtoridad ang operasyon sa retrieval at clearing operations. Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), tumagilid ang gusali patungo sa Sectors 3 at 4 habang sinusuri ng responders ang mga posibleng daanan sa Sector 1 para sa retrieval teams.

Apat ang kumpirmadong nasawi, 16 pa ang nawawala, habang 26 naman ang nailigtas sa insidente, ayon kay Pelayo. Mula sa dating 17 na nawawala, nabawasan ito matapos personal na magtungo sa City Social Welfare and Development Office ang isa sa mga nakalista at nilinaw na wala siya sa loob ng gusali nang mangyari ang pagguho.

Patuloy naman ang pagbibigay ng tulong sa mga survivor at pamilya ng mga biktima sa tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Naghahanda na rin ang mga awtoridad para sa paghawak at pagkilala sa mga posibleng marekober na bangkay sa retrieval operations.

Iniutos ni Angeles City Mayor Jon Lazatin ang pagbuo ng composite investigation team na binubuo ng mga structural engineer at iba pang concerned agencies upang matukoy ang sanhi ng pagguho ng gusali. Magsasagawa rin ng pag-aaral at pangangalap ng material samples ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Office of Civil Defense (OCD).

Patuloy pang bineberipika ng mga awtoridad ang mga ulat at posibleng pananagutan kaugnay ng insidente dahil wala pa umanong pahayag mula sa may-ari o contractor ng gusali. Batay sa tala ng city government, noong 2023 inilabas ang huling permit ng proyekto habang nagsimula ang konstruksyon noong 2024. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here