Home NATIONWIDE 60-day ceasefire extension, pagbubukas ng Hormuz kinokonsidera ng US at Iran

60-day ceasefire extension, pagbubukas ng Hormuz kinokonsidera ng US at Iran

70
0

ISTANBUL — Malapit nang makabuo ng 60-araw na ceasefire extension ang Estados Unidos at Iran na magbubukas sa Strait of Hormuz at magpapahintulot sa pagbabalik ng oil exports ng Iran, ayon sa isang opisyal ng US na pamilyar sa draft ng kasunduan.

Ayon sa ulat ng Axios, hindi pa pinal ang panukalang kasunduan ngunit maaari umanong ipahayag sa mga susunod na araw, bagama’t posible pa rin itong mabigo bago tuluyang mapirmahan.

Sa ilalim ng draft, lilinisin ng Iran ang mga mina sa Strait of Hormuz at papayagan ang malayang pagdaan ng mga barko nang walang toll. Kapalit nito, aalisin ng Estados Unidos ang ilang restriksyon sa mga pantalan ng Iran at magbibigay ng limitadong sanctions waivers para makapagbenta ng langis ang Tehran sa loob ng 60 araw.

Tinukoy ng isang US official ang mekanismo bilang “relief for performance,” kung saan nakadepende ang pagbibigay ng ginhawa sa mga hakbang na gagawin ng Iran.

Kasama rin sa draft ang pangako ng Iran na hindi ito magpapaunlad ng nuclear weapons at papasok sa negosasyon tungkol sa uranium enrichment at pamamahala sa stockpile ng highly enriched uranium nito.

Ang mas malawak na sanctions relief at pag-freeze ng Iranian funds ay tatalakayin sa loob ng ceasefire period ngunit ipatutupad lamang kung magkakaroon ng pinal at beripikadong kasunduan.

Mananatili rin ang presensya ng US forces sa rehiyon sa loob ng 60 araw at posibleng umatras lamang kung maisasara ang final deal.

Iniugnay rin ang panukala sa mas malawak na usaping pangkapayapaan sa rehiyon, kabilang ang sigalot ng Israel at Hezbollah sa Lebanon, na umano’y tinalakay ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu kay US President Donald Trump.

Ilang bansang Arab at Muslim tulad ng Saudi Arabia, Qatar, Egypt, Turkey, Pakistan, at United Arab Emirates ang iniulat na sumusuporta sa inisyatiba. Ang Pakistan ay sinasabing may mahalagang papel bilang tagapamagitan.

Ayon sa mga opisyal, maaari pa ring mabigo ang ceasefire kung matutukoy ng Washington na hindi seryoso ang Iran sa negosasyon sa nuclear program. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here