Home NATIONWIDE Secondary beneficiaries pwedeng mag-claim ng GSIS benefits – SC

Secondary beneficiaries pwedeng mag-claim ng GSIS benefits – SC

2
0
(c) Remate File Photo

MANILA, Philippines – Pinawalang-bisa ng Korte Suprema ang isang resolusyon ng Government Service Insurance Corp. o GSIS na nag-alis ng survivorship benefits sa mga secondary beneficiaries ng mga miyembrong namatay na may mas mababa sa 15 taon ng serbisyo sa gobyerno.

Sa desisyon noong Pebrero 24 at inilabas lang kamakailan, idineklara ng Third Division ng kataas-taasang hukuman na ultra vires o lampas sa kapangyarihan ng GSIS ang isang probisyon sa revised implementing rules and regulations o IRR ng Republic Act No. 8291, o GSIS Act, at pinagbawalan ang state insurer na ipatupad pa ito.

Pinagbigyan nito ang petisyon para sa review on certiorari na inihain ng ama ng isang namayapang miyembro dahil “lumagpas ang GSIS sa awtoridad nito sa paglalabas ng Revised IRR ng Republic Act No. 8291 nang alisin nito ang karapatan ng mga secondary beneficiaries na tumanggap ng survivorship benefits sa ilalim ng mga kondisyong malinaw na kinikilala ng batas.”

Nagsimula ang kaso sa pag-aaplay ng ama ng isang pampublikong school teacher na namatay na walang asawa at anak noong 2017, at may 13 taon lang na serbisyo—mas mababa sa 15 taong requirement ng GSIS para makatanggap ng survivorship benefits.

Tinanggihan ng GSIS committee on claims ang aplikasyon ng ama noong 2018 dahil hindi siya kuwalipikado sa benepisyo para sa namayapang miyembro, at sinabing asawa o anak lang ang maituturing na primary beneficiary.

Nag-apela ang ama sa GSIS board of trustees, na pinagtibay ang desisyon ng komite. Dinala rin ang kaso sa Court of Appeals, na pinagtibay din ang pagtanggi sa benepisyo sa magkahiwalay na hatol noong January 2023 at Mayo ng parehong taon.

Dumulog ang ama sa Korte Suprema, na pumabor sa kanya. Sinabi ng Korte na ang panuntunan ng GSIS sa revised IRR ay nagdag ng requirement na naglilimita sa benepisyo para sa mga matagal nang miyembro.

Tinukoy ng Korte ang Section 24.2.2 ng revised IRR ng batas, na ginamit ng GSIS bilang basehan sa pagtanggi sa claim ng ama.

Nakasaad sa probisyon na “kung sa oras ng pagkamatay, ang miyembro ay nasa serbisyo na may mas mababa sa 15 taon ng creditable service, ang kanyang primary beneficiaries ay makatatanggap ng cash payment na katumbas ng 100% ng AMC o average monthly compensation sa bawat taon ng creditable service.”

Pero ayon sa Korte, “pinahina” nito ang Section 20 at 21 ng parehong batas, na nagkakaloob ng survivorship benefits sa mga secondary beneficiary kung walang primary beneficiary ng mga miyembrong namatay habang nasa aktibong serbisyo.

“Rather than faithfully implementing the enabling statute, (the GSIS rule) imposes additional requirements on secondary beneficiaries to qualify for survivorship benefits that are not required by law,”sabi sa desisyong isinulat ni Associate Justice Henri Inting.

Ayon pa sa Korte, nakialam din ang GSIS sa eksklusibong kapangyarihan ng lehislatura na “paikliin, palawakin, palitan o baguhin ang enabling statute.” Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here