Home HOME BANNER STORY Security detail ni PBBM dodoblehin sa banta ni VP Sara

Security detail ni PBBM dodoblehin sa banta ni VP Sara

MANILA, Philippines – DODOBLEHIN ng Presidential Security Command (PSC) ang security detail ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., lalo na sa kanyang mga public engagements.

Kasunod ito ng mariing pagbabanta ni VP Sara nang mag-live stream sa detention faci­lity ng Kamara kasama ang na-contempt nitong Chief of Staff na si Atty. Zuleika Lopez nitong Sabado ng madaling araw na kumontak na umano siya ng ‘assassin’ para patayin sina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Ferdinand Romualdez kapag may nangyari umanong masama sa kaniya.

“Ang instructions sa amin dito, ido-double natin ang security ni President, lalo sa mga upcoming activities,” ang sinabi ni Maj. Nestor Endozo, PSC civil military operations officer sa mga mamamahayag sa isang panayam.

Gayuman, nilinaw ni Endozo na ang public engagements ni Pangulong Marcos ay dapat na ‘neither be limited nor restricted.’

Ang desisyon na paigtingin ang seguridad ng Pangulo ay matapos na magpatawag ng emergency meeting ang PSC, araw ng Sabado, matapos ang kontrobersiyal na online statement ni VP Sara.

Sa ulat, isang Diehard Duterte Supporters (DDS) vlogger ang nagtanong kay VP Sara para sa seguridad nito at laking gulat ng lahat sa naging kasagutan ni VP Sara.

“Nagbilin na ako…. ‘Pag namatay ako, ‘wag ka tumigil hanggang hindi mo mapapatay sila,” pahayag ni VP Sara na tinukoy ang mga pangalan nina Pangulong Marcos, Unang Ginang Liza at Romualdez na siyang mga ipata-target niya sa assassin.

“Pag namatay ako mamatay rin sila,” banta pa ng Bise Presidente na iginiit na seryoso siya at hindi ito basta “joke , joke lang”.

Sa ulat pa rin, nagpatawag ng press briefing si VP Sara matapos silbihan ng transfer order ng Blue Ribbon panel si Lopez para ilipat sa Correctional Institute for Women (CIW) facility sa Mandaluyong City dakong alas-11:30 ng umaga, araw ng Linggo, Nobyembre 24, 2024.

Ang transfer order ay matapos “mag-kampo” na si VP sa Kamara na kung hindi nasa opisina ng kanyang kapatid na si Davao City Rep. Paolo Duterte ay nasa detention facility ni Lopez. Kris Jose