Home NATIONWIDE Sedition case vs nasa likod ng tangkang kudeta vs PBBM, kinokonsidera ng...

Sedition case vs nasa likod ng tangkang kudeta vs PBBM, kinokonsidera ng Malakanyang

312
0

MANILA, Philippines – Magsasagawa ang Malakanyang ng masusing pagrerebisa kung maaaring maghain ng kasong sedition o treason laban sa ilang indibiduwal, kabilang na ang ilang retiradong opisyal ng militar, na umano’y nagtangkang magsagawa ng kudeta upang pabagsakin ang administrasyong Marcos sa kasagsagan ng mga anti-corruption protest noong Setyembre 21.

“We will study what exactly transpired in the event so that if there are people that need to be made accountable, then they should be charged,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.

Sinabi ni Castro na alam ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang suhestiyon ng “maliit na grupo” ng mga tao na hikayatin ang militar na bawiin ang suporta mula sa kanilang Commander-in-Chief bago pa man ang Setyembre 21 protests.

Kapwa naman nagpatibay ng kanilang katapatan sa Konstitusyon at sa chain of command sina Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. at Acting Philippine National Police (PNP) Chief General Jose Melencio Nartatez Jr.

“The public should not be worried about these destabilization attempts,” ani Castro, at binigyang-diin na hindi nababahala ang Pangulo hinggil sa naturang usapin.

Sa ulat, inamin ni AFP Chief of Staff Gen. Brawner na may ilang retiradong opisyal ng militar na nanawagan sa AFP na bawiin ang suporta kay Pangulong Marcos sa gitna ng mga protesta kaugnay ng umano’y iregularidad sa mga flood control project.

Ayon kay Brawner, sinubukan ng ilang retiradong opisyal na hikayatin ang mga aktibong sundalo at opisyal ng AFP na kumilos laban sa administrasyon sa pamamagitan ng coup d’état, military junta, o pag-withdraw ng suporta.

Gayunman, walang natupad na ganitong hakbang sa panahon ng mga kilos-protesta noong Setyembre 21.

Tiniyak ni Brawner na nanatiling tapat at propesyonal ang mga tauhan ng Sandatahang Lakas at walang sumunod sa panawagan ng mga retiradong opisyal.

Dagdag pa niya, naiparating nila sa Pangulo ang impormasyon hinggil sa mga panawagang ito, ngunit nagpahayag umano si Marcos ng buong tiwala sa AFP at sa kanilang liderato.

Kaugnay nito, iginiit ng Department of National Defense (DND) na walang banta o aktuwal na plano ng kudeta laban sa administrasyon, taliwas sa mga kumakalat na espekulasyon. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here