COTABATO, Philippines – Pinaigting ng Cotabato City Police ang pagpapatrolya, paglalagay ng checkpoints, at intelligence operations matapos ang tatlong magkakahiwalay na pamamaril noong weekend na ikinasawi ng apat na katao at ikinasugat ng anim.
Ayon kay City Police Director Col. Jibin Bongcayao, patuloy ang operasyon upang matukoy at maaresto ang mga responsable.
Sinabi naman ni Mayor Bruce Matabalao na buong suporta ang ibinibigay ng lokal na pamahalaan sa mga awtoridad upang mapanagot ang mga salarin.
Kabilang sa mga nasugatan ang isang off-duty na pulis mula sa Maguindanao del Norte na tinamaan ng ligaw na bala. Nasa maayos na ang kanyang kalagayan.
Batay sa paunang imbestigasyon, pinaniniwalaang may kaugnayan ang mga pamamaril sa rido o alitan ng mga pamilya mula sa karatig-bayan ng Maguindanao del Norte na umabot sa Cotabato City.
Nanawagan ang pulisya sa publiko na makipagtulungan at magbigay ng impormasyon upang mapabilis ang pagkakaaresto sa mga suspek. RNT/MDS