Home NATIONWIDE Seguridad, manpower mapahuhusay ng pagsasapribado ng NAIA – OTS

Seguridad, manpower mapahuhusay ng pagsasapribado ng NAIA – OTS

MANILA, Philippines- Inihayag ng Office for Transportation Security (OTS) na mas lalong mapahuhusay ang pagbibigay ng seguridad at serbisyo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa oras na pumalit na ang pribadong sektor dito.

Ayon kay OTS Administrator Crizaldo Nieves, dahil ang mga pribadong kompanya ay mahusay na pinondohan, inaasahan na maaari nilang makuha ang mga mahahalagang equipment para sa mataas na antas ng pagbibigay ng seguridad.

Idinagdag niya na ang recruitment ay nagpapatuloy para sa karagdagang 391 OTS na empleyado, na karamihan ay ilalagay sa pangunahing gateway ng bansa.

Aniya, ang mga karagdagang kawani ay gagawing mas mabilis ang proseso ng screening sa NAIA, kaya magpapabuti sa pagproseso sa mga pasahero.

Sa kasalukuyan ay may 2,129 OTS staff sa 51 airports sa bansa, na may 1,000 na naka-deploy sa NAIA.

Sinabi ni Nieves na ang OTS screeners ay sasailalim din sa customer relations training.

Idinagdag ni Nieves na maaaring makipag-ugnayan ang mga pasahero sa mga OTS supervisor o sa pamunuan ng paliparan para ireklamo ang mga bastos at mayabang na kawani.

Idinagdag niya na nais niyang makipag-ugnayan sa telecommunications firms para magkaroon ng three-digit hotline number ang OTS na maaaring agad na makontak ng mga pasahero para sa mga reklamo. JAY Reyes