MANILA, Philippines – Pinaigting pa ng Philippine National Police (PNP) ang mga hakbang sa seguridad sa Basilan matapos ang marahas na sagupaan ng mga armadong grupo sa bayan ng Tipo-Tipo dahil sa inilarawan ng mga awtoridad bilang clan-war related gun battle na nagsimula nang barilin ang guro ng Islam at opisyal ng barangay na si Ustadz Nadzmi “Bahang” Tarahin noong nakaraang linggo.
Bukod sa deployment ng mga police personnel, sinabi ni Police Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr., acting chief ng PNP na kumikilos din ang mga local police commander upang mabawasan ang tensyon.
“The Philippine National Police remains steadfast in pursuing justice for the slain barangay official while ensuring that peace is sustained through continuous dialogue and law enforcement cooperation,” ayon kay Nartatez.
“Right now, our coordination with the Armed Forces remains very close. Joint checkpoints and patrols are being conducted to maintain peace and order and to ensure the safety of our kababayan,” dagdag niya.
Noong nakaraang linggo, binaril ng dalawang armadong lalaki si Tarahin habang hinihintay ang kanyang anak sa Lamitan City. Namatay siya sa ospital.
Si Tarahin ay isang iginagalang na guro ng Islam sa Basilan at dating miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Anim na araw pagkatapos ng kanyang pagkamatay, sumiklab ang barilan sa bayan ng Tipo-Tipo at hindi bababa sa isang daang gunmen ang sinubukang maghiganti sa pamamagitan ng paghiling na ibigay sa kanila ang mga responsable sa pagpatay.
Sa isang pahayag, umapela si Nartatez sa lahat na tanggihan ang karahasan at paghihiganti at sa halip ay suportahan ang magkasanib na kapayapaan at mga hakbangin sa pagpapatupad ng batas na ginagawa ngayon ng AFP, PNP, at mga lokal na lider, kabilang ang Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Pinuri rin niya ang pagsisikap ng Council of Elders ng Basilan at ng lokal na pamahalaan sa pagtulong na mapadali ang usapang pangkapayapaan na nagtapos sa standoff sa pagitan ng dalawang angkan.
“This incident underscores the importance of unity among government forces and the community in rejecting violence and choosing reconciliation,” saad ni Nartatez. RNT/MND