MANILA, Philippines- Arestado ang isang security guard at isang driver dahil sa pagbabantang ipakakalat ang pribadong video ng isang babae kung hindi sila bibigyan nito ng pera.
Ayon sa ulat nitong Miyerkules, nadakip ang mga suspek sa entrapment operation ng Philippine National Police Regional Anti-Cybercrime Unit sa Capas, Tarlac.
Ayon sa biktima, inalok siya ng P18,000 kapalit ng pagsasagawa ng sexual acts online.
“Ang rason po kung bakit kumagat yung biktima ay dahil nangangailangan sila ng pera gawa ng wala rin silang trabaho,” wika ni PNP Anti-Cybercrime Group spokesperson Police Lieutenant Wallen May Arancillo.
Subalit, nagbanta ang isa sa mga suspek, ang security guard, na ipakakalat niya ang pribadong video ng biktima kung hindi siya bibigyan ng P2,500.
“Lingid sa kaalaman ng biktima nagi-screen recording itong suspek,” paglalahad ni Arancillo.
Dahil dito, nagsumbong ang biktima sa mga awtoridad.
Kasalukuyang nakaditene ang mga suspek sa Tarlac Police Station habang nahaharap sa kasong robbery with violence against or intimidation of persons at paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act in relation to the Cybercrime Prevention Act. RNT/SA