MANILA, Philippines – Isang security guard ang namatay sa kamay ng kapwa niya security guard makaraang pagbabarilin nang magkaroon ng pagtatalo sa isang establisyimento sa Bacoor City, Cavite kamakalawa ng gabi.
Ayon sa report, namatay ang biktimang si alyas Joebe, tubong Agusan Del Sur dahil sa tama ng bala sa katawan habang ang suspek ay kinilalang si alyas Wilson, ng Brgy Zapote 1, ng nasabing lungsod.
Sa imbestigasyon, bandang alas-6:45 ng gabi nang naganap ang insidente sa Kali Marketing Trailer Truck Fabrization Private Company na matatagpuan sa 001 Gen. Emilio Aguinaldo Highway, Longos, Brgy Zapote 3, Bacoor City, Cavite.
Ayon sa ilang saksi, narinig nila ang dalawa na nagtatalo hanggang sa nakarinig sila ng putok ng baril at dito nakita nila na mabilis na tumakas ang suspek sa direksiyon patungong Zapote.
Patuloy pa rin inaalam kung may kaugnayan sa trabaho o personal ang naging ugat ng pagtatalo na nauwi sa pamamaril. MARGIE BAUTISTA