Home METRO Self-defense: Mag-amang bumaril, sumaksak sa kelot sa kompyuteran sa Tondo, sumuko

Self-defense: Mag-amang bumaril, sumaksak sa kelot sa kompyuteran sa Tondo, sumuko

265
0

MANILA, Philippines — Iginiit ng mag-amang sumuko sa Manila Police District (MPD) noong Abril 15 na self-defense ang nangyari sa pamamaril na ikinamatay ng isang 46-anyos na lalaki sa loob ng isang computer shop sa Barangay 105, Tondo.

Kinilala ang mga suspek na sina Jeffrey Saludar, 49, at anak niyang si Jefferson Baccay, 25. Iniharap ang dalawa sa Manila City Hall matapos ang kanilang pagsuko kaugnay ng pagkamatay ni Jhon Jhon Bacolod, 46.

Ayon sa nakababatang suspek, nagsimula umano ang insidente sa naunang alitan na nag-ugat sa isang basketball court noong Linggo ng hapon, kung saan sinasabing hinabol siya ng saksak ng biktima.

“Buti hindi po ako inabutan, andami ko pong gasgas sa likod at tuhod,” paliwanag ng suspek.

Sinabi niyang ini-report nila sa mga awtoridad ang naunang insidente at nagtungo rin sila sa bahay ng biktima upang komprontahin ito, ngunit umano’y itinago ito ng kanyang pamilya.

Noong umaga ng Abril 13, sinabi ni Baccay na nilapitan niya si Bacolod sa loob ng computer shop upang tanungin ito tungkol sa naunang alitan, ngunit sinalubong umano siya ng mura at pagbabanta. Matapos itong sabihin sa kanyang ama, sabay nilang hinarap ang biktima, na humantong sa mainitang pagtatalo.

Sa kasagsagan ng komprontasyon, sinabi ng nakababatang suspek na inakala niyang bubunot ng armas si Bacolod kaya siya na ang unang nagpaputok. Inamin din niyang ang baril na ginamit sa insidente ay nakuha sa iligal na pinagkukunan na lokal na kilala bilang “kalakal.”

Sa panig naman ni Jeffrey Saludar, sinabi niyang wala siyang intensyong patayin ang biktima at nais lamang niyang ipagtanggol ang kanyang anak. Ibinahagi rin niya na dati na siyang nawalan ng isa pang anak sa kahalintulad na alterkasyon, bagay na nakaimpluwensiya sa kanyang naging pasya na samahan ang kanyang anak sa komprontasyon.

Itinanggi rin ng mga suspek na may kinalaman ang ilegal na droga sa insidente.

Batay sa imbestigasyon, pinaputukan muna ng baril ang biktima bago ito pinagsasaksak ng tinatayang 40 beses gamit ang isang kitchen knife, na nagresulta sa agarang pagkamatay nito.

Samantala, nanawagan ang ina ng biktima na si Gng. Virgilita Bacolod na mapatawan ng habambuhay na pagkakakulong ang mga suspek bilang hustisya sa sinapit ng kanyang anak.

“Justice is served, case is closed at hayaan natin ang husgado ang magpasya kung ano ang kalalagyan at sasapitin ng mag-amang ito”, ani Yorme Isko matapos na sumuko sa kanya ang dalawang suspek.

Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang buong pangyayari sa insidente, kabilang ang iginigiit ng mga suspek na self-defense. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here