Home METRO Selosong parak tigok sa 8-anyos na anak!

Selosong parak tigok sa 8-anyos na anak!

SAGAY CITY- Butas ang leeg ng isang pulis matapos barilin ng 8-anyos na sariling anak na lalaki dahil umano sa galit ng huli sa una makaraang naaktuhan ang ginawang pananakit sa ina noong Sabado sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktimang si Police Staff Sgt. Lernie Alacha, 44-anyos, nakatalaga sa Sagay City Police Station, at residente ng Barangay Andres Bonifacio, Sagay City, Negros Occidental.

Batay sa report ng Sagay City Police Station, bandang ala-1:10 ng gabi nang maganap ang krimen sa loob ng bahay ng mag-amang Alacha.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, magkasabay pang kumakain ng almusal ang pamilya ng biktima kasama ang anak nilang 8-anyos.

Subalit, habang nag-aalmusal, nagkaroon ng pagtatalo ang maglive-in partner sa harap ng kanilang anak, kaya nagpasya ang mga itong pumasok sa kanilang silid .

Pagsapit ng hapon, hindi pa rin natapos ang pagtatalo ng dalawa hanggang sa nakita ng bata (suspek) ang ama nito na sinasaktan ang kanyang ina kaya hinanap nito ang Glock 17 9mm caliber na service firearm ng ama na nakalagay sa mega box.

Pinigilan pa umano ng nakababatang pinsan ang suspek na huwag nitong gawin ang masamang binabalak sa ama pero sinigawan ito ng suspek na huwag siyang makikialam dahil ito sa kanilang problema sa pamilya.

Dali-daling ikinasa ng bata ang baril ng ama saka pumasok sa kwarto at walang takot na pinaputukan ang ama na tinamaan sa leeg.

Humingi naman ng tulong ang pinsan ng suspek sa kanilang kaanak at barangay na agad rumesponde sa nasabing lugar.

Ayon kay Barangay Kagawa Victor Garcia Sr., naabutan pa nila ang biktima na nakahiga sa sahig at may tama ng bala sa leeg.

Bago malagutan ng hininga, nakapagsabi pa ang biktima na dalhin ito sa ospital dahil gusto pa niyang mabuhay at sinabing mag-ingat sila dahil may baril ang kanyang anak at binaril siya nito.

Agad namang isinugod ng mga rumespondeng awtoridad ang biktima sa ospital subalit idineklara na rin itong patay ng umatending doktor.

Sa himpilan ng pulisya, kasama ang ina ng suspek na si Irene Dayanan, 33, madalas siyang sinasaktan ng biktima dahil sa selos maging ang kanilang anak.

Isasailalim naman sa psychiatrist ang bata na ngayon ay nasa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at inihahanda ang kasong kakaharapin ng suspek. Mary Anne Sapico