Home HOME BANNER STORY Pwersa ng Pinas handa vs banta sa WPS sa pagtatapos ng Marcos...

Pwersa ng Pinas handa vs banta sa WPS sa pagtatapos ng Marcos admin – Amb. Romualdez

MANILA, Philippines- Sinabi ni Ambassador Jose Manuel Romualdez na inaasahan niya na handa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa tulong ng Estados Unidos laban sa anumang banta sa West Philippine Sea (WPS) sa pagtatapos ng administrasyong Marcos.

Sa isang panayam, sinabi ni Romualdez na winika ng isang ’ top diplomat ng Pilipinas sa Estados Unidos, na ang Pilipinas “is at its best relationship” sa Estados Unidos ngayon, kung saan ang dalawang bansa ay “nire-reboot” ang kanilang relasyon sa ilalim ng liderato ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Kahit pa sa gitna ng agresyon ng Tsina sa West Philippine Sea, sinabi ng ambassador na suportado ng Republican at Democratic parties ang Pilipinas, naniniwala na ang armed forces ng bansa ay dapat na palakasin para paghusayin ang “defensive and deterrence capabilities” nito.

Tinukoy ni Romualdez ang bipartisan bill na nauna nang ipinakilala ng dalawang US senators, sina Republican Bill Hagerty at Democrat Tim Kaine, para makapagbigay sa Pilipinas ng $2.5 billion para palakasin ang tanggulan o depensa nito laban sa external threats.

Ang Foreign Military Financing grant assistance mula sa Estados Unidos ay naglalayong pagkalooban ang Pilipinas ng $500 million kada taon sa susunod na ‘five fiscal years’ hanggang 2029.

Sinabi ni Romualdez na nakikipag-ugnayan na siya kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ukol sa bagay na ito.

“Yan ang tinatrabaho namin ngayon. Kausap namin si Secretary Teodoro at binigyan kami ng list na kailangan ng ating Armed Forces. ‘Yan ang hinahabol natin. Hopefully, we’ll be able to get that. With the friends in the US Congress, malaking tulong ‘yan sa atin sa Armed Forces,” ayon kay Romualdez.

Aniya pa, nais ng Pilipinas na iprayoridad ang maritime forces nito partikular na ang Philippine Navy at Philippine Coast Guard.

Sinabi pa niya na ang Philippine Air Force ay bibigyan din ng karapatan at uunahin na makakuha ng mas maraming fighter aircraft.

“Unti unti ‘yan darating, but you’ll see these in the next three to five years, talagang makikita mo na ‘yan,” ayon kay Romualdez.

“Ang talagang tinitignan natin diyan siguro before the end of term ni President Marcos, medyo yung ating Armed forces handang handa na for our defense posture and strategy na ginagawa natin ngayon with the United States,” lahad ni Romualdez.

Sa isang kalatas na ibinahagi ng Reuters, sinabi ni Hagerty na ang aid bill ay mahalaga para mas laliman pa ang pagtutulungan ng Pilipinas at Estados Unidos sa panahon ng “Communist China’s growing aggression in the West Philippines Sea and South China Sea.”

Winika ni Kaine na ito’y “pivotal that the people of the Philippines have the resources and support they need in the face of those threats.”

At sa tanong kung naghihintay ng kapalit ang Estados Unidos para sa naturang aid bill, tinuran ni Romualdez na: “There is no such thing as a free lunch.”

“Ang relasyon natin ngayon sa Amerika, syempre, ang exchange diyan ay ang EDCA (Enhanced Defense Cooperation Agreement) at ang Visiting Forces Agreement. Pero ‘yung EDCA ang pinaka-ano sa lahat. ‘Yung EDCA, kailangan din natin ‘yun dahil makakatulong sa’tin, especially for climate resiliency and preparedness,” dagdag na wika nito. Kris Jose