Home METRO  PWD, 8 iba patay sa NPA

 PWD, 8 iba patay sa NPA

BACOLOD CITY- Inamin ng komunistang rebeldeng New People’s Army (NPA) ang sunod-sunod na pagpatay sa probinsya ng Negros Occidental na umabot na sa siyam kabilang ang Person with Disability (PWD) sa loob ng isang buwan.

Noong Mayo 9, 2024, pinagbabaril patay ang isang 37-anyos na bulag habang naglalakad papunta sa bahay ng kanyang kapatid na babae sa Barangay Puso, La Castellana.

Ayon kay Police Major Sherwin Fernandez, hepe ng La Castellana police, bago ang krimen ay nakita ng kapitbahay ang tatlong armadong kalalakihan sa labas ng bahay ng biktima.

Sa pagresponde ng mga pulis sa pinangyarihan ng krimen, nakapulot sila ng mga basyo ng 5.56mm at .45 na armas na posibleng ginamit ng mga suspek sa krimen.

Inamin ng Leonardo Panaligan Command ng NPA Central Negros Guerrilla Front na pinatay nila ang biktima dahil nanggahasa umano ito ng menor-de-edad taong 2012 subalit walang record sa pulisya.

Sa talaan ng Negros Occidental-PNP, noong Abril 11, 2024, pinaslang si Danny Boy Bartolome, residente ng Sitio Paho, Brgy. Camandag, La Castellana; Alexander Alquizar, barangay tanod ng Proper Lagaan, Calatrava-April 20, 2024; Myrna Bilando, ng Sitio Duga-anon, Barangay Oringao, Kabankalan-April 21, 2024; Jun Habagat, ng Sitio Cagay, Barangay Camindangan, Sipalay City-April 24, 2024; Albert Golez, ng Sitio Cuyaoyao, Barangay Inolingan, Moises Padilla-April 24, 2024; Ritoy Pedro, ng Sitio Kamanggahan, Barangay Amontay, Binalbagan-April 28, 2024; Reynaldo Jacolbe, kagawad ng Barangay Puso, La Castellana,-May 1, 2024; at Donie Baculi, chief tanod ng Sitio Bactolon, Barangay Camindangan, Sipalay City-May 3, 2024.

Sa kabila ng pag-amin ng NPA sa pagpatay sa mga biktima ay patuloy pa rin ang gagawing imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang pagkakakilanlan sa mga suspek. Mary Anne Sapico