Home HOME BANNER STORY Sen. Bato, nasa Pinas pa – NBI

Sen. Bato, nasa Pinas pa – NBI

1
0

MANILA, Philippines – May malakas na indikasyon na nasa Pilipinas pa rin si Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa kabila ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC), ayon sa National Bureau of Investigation (NBI).

Sa panayam sa isang ulat, sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na patuloy nilang sinusundan ang mga impormasyong may kaugnayan sa kinaroroonan ng senador.

“Mayroon pong malakas na indikasyon na nandito pa po sa Pilipinas at meron pong mga impormasyon kaming sinusundan,” ani Matibag.

Dagdag niya, mahihirapan umanong makalabas ng bansa si Dela Rosa dahil 132 bansa ang miyembro ng ICC.

Nahaharap si Dela Rosa sa ICC arrest warrant para sa “alleged criminal responsibility as an indirect co-perpetrator” sa crimes against humanity of murder na umano’y naganap mula Hulyo 3, 2016 hanggang katapusan ng Abril 2018, kung saan hindi bababa sa 32 katao ang nasawi.

Sinubukan ng mga awtoridad na isilbi ang warrant noong Mayo 11, ngunit kalaunan ay isinailalim siya sa protective custody ng Senado. Noong Mayo 14, umalis siya sa Senado matapos ang lockdown at hindi na muling nakita sa publiko.

Nilinaw rin ni Matibag na wala pang natatanggap ang NBI na panibagong ICC arrest warrant, kabilang ang umano’y inilabas laban kay Senator Bong Go.

“’Yung kay Senator Bato pa lang po ‘yung warrant na hawak po natin,” aniya. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here