MANILA, Philippines – Sinabi ng National Bureau of Investigation na nananatili pa rin sa Pilipinas si Ronald “Bato” dela Rosa sa gitna ng umiiral na arrest warrant laban sa kanya mula sa International Criminal Court.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, wala silang impormasyon na nakalabas ng bansa ang senador. Patuloy rin umano ang koordinasyon ng ahensya sa iba pang law enforcement agencies kaugnay ng posibleng pagpapatupad ng warrant.
Sinabi rin ng NBI na itinuturing si dela Rosa bilang “armed and dangerous” alinsunod sa standard protocol sa pagpapatupad ng warrant laban sa mga dating mataas na opisyal ng pulisya at militar.
Nilinaw ng ahensya na hindi ito nangangahulugang lalaban o manlalaban ang senador, kundi bahagi lamang ito ng security assessment upang matiyak ang kaligtasan ng mga operatiba at ng publiko habang isinasagawa ang operasyon.
Si dela Rosa ay nahaharap sa kasong crimes against humanity kaugnay ng madugong war on drugs noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, kung saan siya naging hepe ng Philippine National Police mula 2016 hanggang 2018.
Nauna nang sinabi ng DOJ na maaaring ipatupad ang arrest warrant matapos ibasura ng Supreme Court of the Philippines ang kahilingan ni dela Rosa para sa temporary restraining order laban dito.
Iniulat din ng PNP na nakaalerto ang kanilang airport at maritime units upang bantayan ang anumang tangkang pag-alis ng senador sa bansa, kabilang ang mga “southern backdoor” exit points. RNT/MND