MANILA, Philippines – Matagumpay na isinagawa sa International Space Station (ISS) ang isang eksperimento na dinisenyo ng mga estudyanteng Pilipino, ayon sa Philippine Space Agency (PhilSA) nitong Biyernes.
Ang “Double Gyroscope” experiment ay ginawa ng tatlong third-year Physics students mula sa Rizal Technological University (RTU)—sina Christopher Tumamac, Ryan Andrew Doña, at Rose Ann Cezar. Isinagawa ito noong Marso 24 sa Kibo module ng ISS sa pamamagitan ni NASA astronaut Christopher Williams.
Ipinresenta nina Doña at Tumamac ang kanilang proposal sa Japan Aerospace Exploration Agency (JAXA) Tsukuba Space Center sa Ibaraki, Japan bago ang aktwal na pagsasagawa ng eksperimento sa kalawakan.
Ayon sa PhilSA, “The Double Gyroscope demonstrates a key principle used in spacecraft orientation, or how satellites and spacecraft control the direction they face in space.”
Ang eksperimento ay bahagi ng JAXA “Asian Try Zero-G (ATZG)” competition na nagbibigay pagkakataon sa mga estudyante sa Asia-Pacific na magdisenyo ng simpleng physics experiments na isinasagawa sa microgravity. Isa ito sa 11 finalist experiments na isinagawa sa ISS habang naka-livestream.
Ipinahayag ng PhilSA na ang mga estudyante ay nag-hypothesize na kapag ang dalawang gyroscope ay umikot sa magkasalungat na direksyon, maaari itong mag-cancel out at magmukhang stable o halos hindi gumagalaw, ngunit maaaring magbago pa rin ang direksyon dahil sa maliliit na pagkakaiba sa pag-ikot.
Ayon pa sa ahensya, mula 2022 ay tuloy-tuloy nang napipili ang mga eksperimento ng mga Pilipinong estudyante bilang finalists at naisasagawa sa ISS, na nagpapakita ng lumalaking partisipasyon ng Pilipinas sa international space science programs. RNT/MND







