MANILA, Philippines – Hindi pa nagbibigay ng tugon si Senator Ronald dela Rosa sa panukalang amyenda sa Senate rules na magpapatupad ng “no work, no pay” policy laban sa mga senador na madalas lumiban sa sesyon.
Ayon kay Senator JV Ejercito, chairperson ng Senate Committee on Ethics and Privileges, hanggang Mayo 13 hihintayin ng komite ang paliwanag ni dela Rosa kaugnay ng panukalang polisiya at sa patuloy nitong pagliban sa Senado.
“Nag-formal communication na with his office ang Ethics Committee to comment on the rules amendment and also to explain his continued absence,” pahayag ni Ejercito sa mga mamamahayag.
“We are waiting for his reply until May 13,” dagdag niya.
Noong nakaraang linggo, pormal nang hiniling ng ethics committee kay dela Rosa na magsumite ng komento hinggil sa panukala.
Hindi pa dumadalo si dela Rosa sa mga sesyon ng Senado at wala ring public appearance mula noong Nobyembre 2025 kasunod ng mga ulat na naglabas umano ng arrest warrant ang International Criminal Court laban sa kanya kaugnay ng umano’y pagkakasangkot sa war on drugs ng administrasyong Duterte.
Noong Sabado, sinabi ng ICC na wala itong inilalabas na bagong arrest warrant kaugnay ng crimes against humanity case laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nahaharap din si dela Rosa sa ethics complaint dahil sa matagal nitong pagliban sa Senado. Batay sa attendance records, nakaligtaan niya ang 31 plenary sessions mula Hulyo 28, 2025 hanggang Marso 18, 2026, na pinakamataas sa hanay ng mga senador sa 20th Congress. RNT