Home NATIONWIDE Sen. Bong Go sa DOH, DPWH: Health facilities siguraduhing operational, healthcare ilapit...

Sen. Bong Go sa DOH, DPWH: Health facilities siguraduhing operational, healthcare ilapit sa mga komunidad

346
0

MANILA, Philippines — Nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go sa Department of Health (DOH) at Department of Public Works and Highways (DPWH) na tiyaking operational at kapaki-pakinabang ang mga itinayong health facilities, kasabay ng kanyang pagtiyak ng suporta sa panukalang 2026 budget ng DOH.

Sa deliberasyon ng Senado nitong Oktubre 1, iginiit ni Go na dapat sabayan ng pananagutan at kahusayan ang pagpapatupad ng badyet upang masiguro na ang mga pasilidad ay tunay na mapapakinabangan ng mamamayan.

“Matagal ko na pong pinapaalala sa inyo. We have also consistently reminded the DOH to ensure these health facilities are completed and properly equipped. Every hearing, pinapaalala ko ‘yan sa inyo,” ani Go.

Ibinahagi rin ng senador ang ilang halimbawa ng local government units (LGUs) na naglaan ng sariling pondo upang pagandahin ang mga Super Health Center.

“Meron po akong nakita na Super Health Centers na pinaganda ng LGU. Sila mismo nagbigay ng counterpart. Halimbawa sa Imus at General Trias, ginawa nila parang hospital — may aircon pa,” dagdag niya.

Pinayuhan ni Go ang DOH na gawing operational at hindi white elephant ang mga pasilidad. Aniya, maraming Pilipino ang hindi agad nagpapagamot dahil sa kakulangan ng accessible outpatient care.

“‘Yung walang pera, ayaw pumunta ng hospital until namamatay na sila. But if they can be taken care of on an outpatient basis, nakakatulong talaga,” paliwanag niya.

Tinukoy rin ni Go ang mga programang Bagong Urgent Care and Ambulatory Services (BUCAS) at Yaman ng Kalusugan (YAKAP) na layong magbigay ng libreng serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad.

Ayon sa senador, 60% ng problema ng Super Health Centers ay kawalan ng personnel. Paalala niya, obligasyon ng LGUs na tumanggap ng pondo mula sa national government na magtalaga ng mga tauhan.

“‘Pag meron nakatenggang white elephant na pinondohan ng national government, answerable dapat siya,” babala ni Go, sabay sabing makikipag-ugnayan siya sa Department of the Interior and Local Government (DILG) kung kinakailangan.

Binigyang-diin din ni Go ang mabagal na pagpapatayo ng ilang ospital at hinimok ang DOH na gamitin nang wasto ang Health Facilities Enhancement Program (HFEP) para matiyak na matatapos ang mga proyekto.

Tinuligsa rin niya ang labis na pag-asa ng DOH sa DPWH sa pagpapatayo ng mga health facility na may halagang higit sa ₱5 milyon, sa gitna ng mga isyung kinahaharap ng ahensya.

“Whether DPWH or DOH, pera ng taong bayan ‘yan. Dapat walang ghost project, walang masasayang. Ilang pasyente ang matutulungan kung na-implementa ‘yan ng maayos,” giit ni Go.

Samantala, iminungkahi ng isa pang senador na ipaubaya sa mga LGU ang mas maliliit na proyekto na nagkakahalaga ng ₱20 milyon pababa upang mas mapadali ang pagpapatupad.

Iginiit ni Go na ang mga proyektong pangkalusugan ay hindi dapat maging numero sa ulat, kundi tunay na lifeline para sa mga Pilipinong umaasa sa serbisyong pampubliko para mabuhay. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here