Home TOP STORIES Sen. Camille isinusulong mas inklusibong Pinas para sa may special needs

Sen. Camille isinusulong mas inklusibong Pinas para sa may special needs

236
0

MANILA, Philippines — Muling pinagtibay ni Senator Camille Villar, ang pinakabatang senador ng Ika-20 Kongreso, ang kaniyang matatag na pangako na isulong ang neurodiversity, sensory inclusion, at ang karapatan ng mga Pilipinong may invisible disabilities. Binigyang-diin niya na ang sensory safety ay isang usaping pangkalusugan at mahalagang isyung pangkarapatang pantao.

Pinangunahan ni Villar ang ribbon-cutting ceremony sa pagbubukas ng “iMvisible,” isang digital art exhibit na nagpapakita ng talento ng 24 na neurodiverse artists, bilang bahagi ng pagdiriwang ng World Disability Day.

(c) Cesar Morales

Sa naturang okasyon, binigyang-pansin ng senadora ang lumalawak na pakikipagtulungan niya sa mga adbokasya para sa sensory-friendly environments—isang adbokasyang kaniyang isinabatas na bilang pormal na hakbang.

“Ang ingay ay maaaring maging isang invisible barrier, at para sa maraming neurodivergent na Pilipino, maaari itong magdulot ng sakit at takot. Ang panukalang batas na ito ay paraan upang ipahayag na mahalaga ang kanilang pangangailangan, dignidad, at nararapat silang magkaroon ng mga pampublikong espasyong tunay na nagmamalasakit sa kanila,” ani Villar.

Kamakailan niyang inihain ang “Safe Sound and Sensory Awareness Month Act,” isang panukalang batas na nagdedeklara sa buwan ng Oktubre bilang pambansang buwan para sa pagpapalawak ng kaalaman hinggil sa safe sound practices, sensory sensitivities, at neurodiversity inclusion sa buong bansa.

Inaatasan ng panukalang batas ang taunang pagdiriwang ng Safe Sound and Sensory Awareness Month at hinihikayat ang mga ahensya ng pamahalaan, LGUs, paaralan, at mga lugar sa trabaho na magsagawa ng mga kampanya, pagsasanay, at gawaing pangkomunidad na nagtataguyod ng inclusion. Kabilang dito ang institusyonalisasyon ng symbolic Quiet Hour Campaign tuwing 12:00 ng tanghali sa bawat Oktubre, paggamit ng sound-level monitoring devices sa mga pampublikong lugar, at paghimok sa mga pribadong employer na magpatupad ng sensory-safe policies tulad ng quiet rooms, controlled lighting, at reasonable accommodations para sa neurodivergent na empleyado.

Binanggit pa ni Villar na ang panukalang batas ay isang estrukturang hakbang para baguhin ang pananaw ng bansa sa invisible disabilities. “Ang pagiging inklusibo ay dapat nakaugat sa ating mga polisiya, kapaligiran, at sa ating kultura,” dagdag niya.

Ang exhibit, na inorganisa ng The Misfits Camp sa pangunguna ng founder na si Merlee Jayme, ay tampok din ang Safe Sound Check Initiative na inilunsad noong Oktubre upang pataasin ang kamalayan ng publiko tungkol sa sound sensitivity. Nauna nang nakipagpulong si Villar sa mga tagapagtaguyod ng Safe Sound Project, kung saan tinalakay ang mga nakababahalang insidente ng pangha-harass sa mga indibidwal na may autism spectrum disorder (ASD) matapos silang magkaroon ng sensory reactions sa malalakas na ingay. Ang pagpupulong na iyon ang nagsilbing mitsa ng kaniyang hakbang pambatas.

Nagpasalamat si Jayme kay Senator Villar sa pag-angat ng adbokasiya tungo sa konkretong polisiya. “Ang Safe Sound ay hindi na lamang usapan—isa na itong pambansang kilusan dahil may mga lider na tulad ni Senator Camille Villar na kumakatawan sa amin,” aniya.

Ang pangako ni Villar ay naaayon sa mas malawak niyang agenda sa mental health, accessibility, at public health. Kabilang dito ang kaniyang mga panukalang batas para sa inclusive tourism para sa mga PWD, at mga programang nagpapalakas ng mental health awareness—na lalo pang nagpapatatag sa kaniyang reputasyon bilang isa sa pinaka-proactive na tinig sa Senado para sa sensory at neurodiversity inclusion. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here