Home NATIONWIDE Sen. Go: Cancer Assistance Fund itaas

Sen. Go: Cancer Assistance Fund itaas

MANILA, Philippines – Binigyang-diin ni Senator Christopher “Bong Go” na paglaanan ng malaking pondo ang mga programa sa pangangalagang pangkalusugan, tulad ng pagtugon sa cancer, tuberculosis, at mental health disorder.

“We must also give enough focus and ensure funding for our programs to address other diseases such as cancer, tuberculosis, and mental health disorders,” ani Go sa Senate committee on finance hearing sa budget ng
Department of Health (DOH).

Ang Cancer Assistance Fund (CAF) ngayong taong ay nasa P500 milyon at iminungkahi ni Go na doblehin ito sa P1 bilyon para sa susunod na taon.

Gayunpaman, nagpahayag siya ng pagkabahala sa iniulat na underutilization ng pondo.

“Pakisilip po ninyo ito. Sa dami ng cancer patients na nangangailangan ng tulong, sigurado naman pong mauubos yan at hindi katanggap-tanggap na hindi ninyo magastos ang pondo sa pagtulong sa kanila,” ayon kay Go.

Matatandaang naging boses si Sen. Go para sa pagtataas ng pondo para sa mga may kanser at dapat pa aniya itong itaas upang makatulong sa mga biktima.

“Talagang pipilayan ang pamilya tuwing nagkakanser ka, pilay na po ang inyong pamilya, halos hindi na po nakakatrabaho ‘yan, naka-focus na po sa pagpapagamot,” ayon sa senador.

Ang panawagan ng senador para sa dagdag na pondo ay naaayon sa National Integrated Cancer Control Act (NICCA), sa ilalim ng Republic Act No. 11215, na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2019.

Sa loob ng NICCA, ang CAF ay gumaganap ng isang mahalagang papel sa pagbibigay ng pinansiyal na suporta sa mga pasyente ng cancer sa buong bansa.

“The more na dapat po ay dagdagan natin ang budget para sa cancer assistance fund, the more we should invest sa ating healthcare system,” giit ni Go.

Higit pa rito, inihayag ni Go ang kanyang suporta sa panukalang cancer fund na layong tumulong sa overseas Filipino workers, isang proyektong isinulong ni yumaong Sec. Susan “Toots” Ople ng Department of Migrant Workers (DMW).

“This initiative highlights the urgent requirement to offer aid and compassion to the modern-day heroes who are confronting cancer while working far away from their homes,” anang mambabatas. RNT