Home NATIONWIDE Sen. Go: Paris Olympics Pinoy athletes, bigyan ng tulong pinansyal

Sen. Go: Paris Olympics Pinoy athletes, bigyan ng tulong pinansyal

MANILA, Philippines – Umapela si Senator Christopher “Bong” Go sa gobyerno at sa iba pang stakeholders na bigyan ng buong suporta ang mga atletang Pilipino na sasabak sa 2024 summer Olympics na gaganapin sa Paris, France.

Kaugnay nito, inihayag ni Go na handa siyang magkaloob ng suportang pinansyal sa mga sasabak na atletang Pinoy sa darating na olimpiyada sa pakikipagtulungan ng Philippine Sports Commission (PSC).

Iminungkahi rin niya na dapat bigyan ng tig-kalahating milyong pisong tulong bawat isa ang 13 atleta na kwalipikado sa ngayon at tiyaking kumpleto sila sa kagamitan at nakapokus bago ang olympics na nakatakdang ganapin simula Hulyo 26 hanggang Agosto 11 sa Paris.

“Ang ating mga atletang lalahok sa Olympics ay kailangan ng buong suporta mula sa atin. Dapat maibigay ang nararapat na tulong pinansyal para sa kanilang pagsasanay at iba pang pangangailangan,” idiniin ni Go.

Ang panawagang ito ni Go ay bilang pagkilala sa pagsusumikap ng mga atleta sa mga hamon na kanilang kinaharap upang makarating sa Olympics.

Sinabi ni Go na ang tagumpay ng ating mga atleta ay tagumpay ng buong bansa sa pagpapakita ng galing ng Pilipino sa buong mundo.

Ang nalalapit na Olympics ay magtatampok sa higit 11,000 atleta mula sa higit 200 mga bansa na sasabak sa 32 iba’t ibang sports. Kabilang dito ang apat na bagong sports—breaking, skateboarding, sport climbing, at surfing—na idinagdag upang maakit ang mas bata sa buong mundo.

Habang papalapit, hindi lang sa mga indibidwal na tagumpay ang pinagtutuunan ng pansin kundi pati na ang pambansang pagmamalaki at potensyal para sa Pilipinas na itaas ang kanilang katayuan sa pandaigdigang palakasan.

Iginiit ni Sen. Go na ang pinansiyal na tulong ay upang tiyakin na ang mga Filipinong atleta ay nasa pinakamaayos na kondisyon sa kanilang pakikihamok sa kani-kanilang larangan sa palakasan.

“Good luck sa ating Olympians… Nandito lang po ako na sumusuporta sa ating atleta. Laban tayo! Ang pusong Pinoy, palaging lumalaban!,” ani Go.

Nanawagan din siya sa buong bansa na suportahan ang ating mga atleta na magdadala ng karangalan at watawat ng bansa sa kanilang mga kompetisyon.

“Suportahan po natin ang ating mga atleta. Bitbit po nila ang karangalan, bitbit po nila ang bandila natin. Suportahan po natin sila. Good luck sa ating mga Pilipinong atleta. Para po sa bayan ito. Lahat ng laban natin para sa Pilipino, para sa bayan,” giit ng senador. RNT