Home NATIONWIDE Sen. Go sa National Dengue Awareness Month: ‘MAGBANTAY VS. LAMOK PARA IWAS...

Sen. Go sa National Dengue Awareness Month: ‘MAGBANTAY VS. LAMOK PARA IWAS TEPOK’

240
0

MANILA, Philippines – Sa harap ng patuloy na pagtaas ng kaso ng dengue sa bansa, muling nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go sa publiko na paigtingin ang pagbabantay at pag-iingat kontra sa sakit, kasabay ng pagdiriwang ng National Dengue Awareness Month ngayong Hunyo.

Bilang chairperson ng Senate Committee on Health, binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng maagang pagtuklas, matibay na koordinasyon sa barangay, at pampublikong edukasyon upang mapigilan ang pagkalat ng sakit na dala ng lamok.

Batay sa pinakahuling datos mula sa Department of Health (DOH), mahigit 110,000 kaso ng dengue ang naitala sa bansa hanggang kalagitnaan ng Mayo 2025. Sa bilang na ito, higit 19,000 ang mula sa Metro Manila, habang pumalo na sa 437 ang nasawi—kabilang ang maraming batang may edad 5 hanggang 9.

“Hindi po dapat balewalain ang dengue. Kadalasan, nagsisimula ito sa simpleng lagnat, pero maaaring mauwi sa panganib kapag napabayaan,” babala ni Go.

Dahil sa mabilis na pagtaas ng kaso, ilang lokal na pamahalaan tulad ng Pakil, Laguna ay nagdeklara na ng state of emergency upang mapigilan ang pagkalat ng sakit.

Nanawagan ang senador sa mga local government units (LGUs), paaralan, at bawat pamilya na maglunsad ng cleanup drives, fogging operations, at information campaigns, lalo na ngayong tag-ulan kung kailan mas dumadami ang breeding grounds ng lamok.

“Kailangan po nating magtulungan. Ang laban kontra dengue ay hindi lang responsibilidad ng gobyerno kundi ng buong komunidad,” ani Go, sabay banggit sa kampanya ng DOH na “Taob, Taktak, Tuyo, Takip” — bahagi ng 5S strategy upang matanggal ang mga lugar ng pamumugaran ng lamok.

Sa gitna ng krisis, muling iginiit ni Go ang kahalagahan ng accessible healthcare. Hinikayat niya ang mga Pilipino, lalo na ang mahihirap, na lumapit sa mga Malasakit Centers para sa libreng medikal na tulong at serbisyong pangkalusugan.

Ang Malasakit Center, na inilunsad sa ilalim ng Republic Act No. 11463 (Malasakit Centers Act of 2019), ay isang one-stop shop na tumutulong sa mga pasyente na mabawasan ang gastusin sa pagpapagamot. Sa kasalukuyan, may 167 Malasakit Centers na ang operational sa buong bansa.

“Hindi lang laban sa dengue ang ating kailangang paghandaan. Dapat ay palakasin natin ang kabuuang sistemang  pangkalusugan para sa lahat ng Pilipino,” pagtatapos ni Go. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here