Home NATIONWIDE Sen. Imee Marcos nakapaghain na ng COC

Sen. Imee Marcos nakapaghain na ng COC

Larawan kuha ni Crismon Heramis

MANILA, Philippines- Ika-19 na sa mga kakandidatong senador na naghain ng kanilang Certificate of Candidacy (COC) si Senator Imee Marcos sa ikalawang araw ng COC filing sa The Manila Hotel Tent City ngayong Oktubre 2.

Si Sen. Imee ay naghain ng COC sa ilalim ng dating Partido Nacionalista at hindi kaalyado ng anumang pangkat, sektor o grupo.

“Pumila ako sa ilalim ng dating partido nationalista ,hindi kaalayado ng anumang pangkat sektor grupo. Tinataya kong mananatiling malaya at matatag,” pahayag ni Sen. Marcos sa media interview.

Paliwanag ng senadora, minabuti niyang hindi na makipag-alyansa dahil baka magkaroon ng kulay.

Bagama’t hindi nakipag-alyansa ang senadora sa administrasyon o sa kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., inihayag nito na suportado at naiintindihan pa rin naman aniya siya ng Pangulo.

Sa katanungan naman kung tatanggapin nito ang posibleng endorsement ni VP Sara Duterte, sinabi ng senadora na hindi pa nila mapag-uusapan ito dahil pinili niyang maging malaya at matatag at piliin ang Sambayang Pilipino na nagbigay ng mainit na suporta sa kanyang muling pagtakbo.

Nagpasalamat din ito sa kanyang ina na si dating first lady Imelda Marcos dahil sinamahan siya sa kanyang paghahain ng kandidatura.

“Inaasahan ko yung suwerte at wisdom niya sa pulitika ay mapasaatin”, ani Sen. Imee.

Kasama rin ang kanyang mga anak na sina Borgy Manotoc at Atty. Michael Manotoc sa pagsusumite ng kanyang kandidatura. Jocelyn Tabangcura-Domenden