MANILA, Philippines – Naaresto na nitong Lunes si Sen. Rodante Marcoleta matapos maglabas ng arrest order ang Sandiganbayan Third Division kaugnay ng non-bailable plunder charges laban sa kaniya dahil sa umano’y hindi pagdedeklara ng P75 milyon na campaign donations.
Sakop din ng arrest order ang dating mambabatas na si Mike Defensor at dalawang negosyante. Kinumpirma ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group ang pag-aresto kay Marcoleta at sinamahan siya sa courtroom para sa return of warrant.
Ayon sa abogado ni Marcoleta, sumuko bilang “act of good faith” ang senador dahil nasa bisinidad na ito ng Sandiganbayan nang ilabas ang arrest order.
Sinabi ni Associate Justice Karl Miranda na ibinasura ang mga mosyon matapos matukoy ng korte na may probable cause sa kasong plunder. Ikukulong ang mga respondent sa Quezon City Jail sa Payatas, kung saan kasalukuyang nakakulong sina Senator Jinggoy Estrada at former Senator Ramon Bong Revilla Jr.
Binigyan din ng korte ang prosekusyon ng tatlong araw para magsumite ng komento sa mga mosyon nina Marcoleta, Defensor, at Espiritu na humihiling na ibasura ang information na nagsasakdal sa kanila ng plunder.
Nag-ugat ang kaso sa alegasyong tumanggap si Marcoleta, na noon ay nakaupong kongresista, ng P75 milyon na campaign donations mula kay Defensor at mga negosyante ngunit hindi ito idineklara sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth.
Sa ilalim ng Anti-Plunder Act, maaaring kasuhan ang isang public official kung mapatutunayang nakaipon ito ng hindi bababa sa P50 milyon na umano’y ill-gotten wealth. RNT