Home NATIONWIDE Sen. Tol: Fishing areas sa WPS, protektado ng PH Maritime Zones Law

Sen. Tol: Fishing areas sa WPS, protektado ng PH Maritime Zones Law

MANILA, Philippines – Tiniyak ni Senate Majority Floor Leader Francis “Tol” Tolentino sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ang Philippine Maritime Zones Law, sa sandaling maipatupad, ay hindi lamang magpoprotekta sa fishing areas sa West Philippine Sea (WPS), bagkus ay pakikinabangan din ng iba pang fishing grounds sa buong mundo.

Bilang pangunahaing may-akda ng Philippine Maritime Zones Law, tiniyak ni Tolentino na mapoprotektahan ang fisheries resources, kasunod ng pagkabahala ni BFAR spokesperson Nash Briguera sa pagkasira ng marine ecosystem sa WPS.

Sinabi ni Briguera na humigit-kumulang 385,000 mangingisda mula sa apat na rehiyon sa Pilipinas ang umaasa sa resources ng pangisdaan sa WPS. Nag-aambag aniya ito ng 14 porsyento ng pambansang produksyon ng isda sa bansa.

“Makatutulong po ang Philippine Maritime Zones Laws dahil sa batas hanggang doon sa contiguous zone, 24 nautical miles, allowed tayo na mag-enforce ng environmental laws,” sabi ni Tolentino.

Nagkasundo ang senador at tagapagsalita ng BFAR na ang pagsira sa marine ecosystem at mga buhay na organismo sa WPS ay makaaapekto sa iba pang mga lugar ng pangingisdaan sa buong mundo.

Para maipatupad ang Philippine Maritime Zones Law, sinabi ni Tolentino na kailangan muna itong isumite sa Secretary General ng United Nations na maglalabas naman ng abiso sa lahat ng signatories sa United Nations Convention of the Law of the Seas (UNCLOS) at ipaaalam sa kanila ang Philippine Maritime Zones Law, na may ang mga ganitong probisyon, na dapat igalang.

Gayunpaman, sinabi ng senador na hindi matatawag na “immediately recognizable” ang Philippines Maritime Zones Law.

“Pero sa mga lumagda o signatories sa UNCLOS, dapat kilalanin nila ang Philippine Maritime Zones Law,” sabi ni Tolentino.

Aniya, ipinapatupad ng Philippine Maritime Zones Law ang 2016 Arbitral Ruling, na nagpapawalang-bisa sa pag-angkin ng China sa halos lahat ng South China Sea at labis na pinapaboran ang pag-angkin ng Pilipinas sa exclusive economic zone (EEZ) sa WPS.

Inamin ni Tolentino na pihadong hindi kikilalanin ng China ang Philippines Maritime Zones Law, ngunit aniya, may obligasyon ito sa ilalim ng international law. RNT