Home HOME BANNER STORY Sen. Tolentino: PUV modernization itugma sa bulsa ng tsuper, operators

Sen. Tolentino: PUV modernization itugma sa bulsa ng tsuper, operators

MANILA, Philippines- Nanawagan si Senador Francis “Tol” Tolentino na agarang resolbahin ang mga isyung nakapaligid sa Public Utility Vehicles (PUV) modernization dahil lubos na itong nakaaapekto sa mga Filipino jeepney drivers at operators.

“Kailangang harapin ang isyu na ito, bagaman nasa Korte Suprema, kailangang marinig ng taumbayan– di naman kasi lahat ng ating mga tsuper ay makadadalo sa pagdinig ng Korte Suprema, kung ano talaga ang mga solusyon dito sa problemang ito,” sabi ni Tolentino sa kanyang regular na programa sa radyo DZRH.

Tinutukoy ng senador ang pagkabalisa at pagkabahala ng mga jeepney driver at operator sa ibinigay sa kanilang deadline ng consolidation noong Disyembre 31, 2023.

“Kailangan ng modernization na tutugma sa bulsa ng mga tsuper at operators,” idinii ni Sen. Tol.

Sa nasabing programa, kinapanayam ni Tolentino si Elmer Francisco, may-ari ng local vehicle manufacturer na Francisco Motors para linawin ang mga posibleng opsyon para sa mga driver at operator habang ipinupursige ng gobyerno ang modernisasyon.

Ayon kay Francisco, ang kanilang modernized, full-electric jeepney units na nagkakahalagang P985,000 bawat isa ay sumusunod sa Philippine National Standards, mas malaki vertically, may mas ligtas na pagpasok at paglabas, lalo na para sa PWDs.

Dagdag pa, ang nasabing mga unit ay airconditioned at may apat na channel ng CCTV camera, dashcam, at automated fare collection system habang pinapanatili ang iconic na Filipino jeepney exterior.

“Magagaling talaga ang mga Pinoy gumawa ng tunay na jeepney, bakit natin ipagagawa sa ibang bansa? Kumbaga tayo na ang nag-imbento ng jeepney,” ani Francisco.

Nagpahayag ng pagsuporta si Sen. Tolentino sa paglalatag ng iba pang mga opsyon sa Senado para resolbahin ang mga isyu sa PUV modernization sa bansa. RNT