MANILA, Philippines- Kapamilya ng isang senador ang pasahero ng sports utility vehicle (SUV) na may “pekeng” protocol plate number 7 na ginamit sa EDSA busway, ayon kay Senator Raffy Tulfo.
“Related ito sa isang senador pero hindi ‘yung senador ‘yung sakay ng SUV na ‘yan at the time. Kamag-anak ng isang senador,” pahayag ni Tulfo sa isang press briefing nitong Miyerkules.
Ayon kay Tulfo, ang pasahero ay miyembro ng Armed Forces of the Philippines, na patungo sa isang resort sa Quezon City matapos lumpag sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.
Nahuli ang SUV na dumaraan sa EDSA busway sa northbound lane ng Guadalupe Station nitong Linggo.
Base sa video na ipinost ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT), makikitang tumakas ang SUV at “tinangkang banggain” si Secretariat Sarah Barnachea ng DOTr-SAICT.
Ani Tulfo, ang may-ari ng sasakyan ay isang kompanyang tinatawag na Orient Pacific Corporation subalit tumanggi itong magbigay ng karagdagang detalye.
Nauna nang sinabi ng Land Transportation Office na peke ang number “7” protocol plate subalit iginiit ni Tulfo na kailangan ng masusing imbestigasyon.
Hinikayat din ng senador ang SUV owner na sumuko at harapin ang posibleng parusa.
Nauna nang inilahad ng LTO nitong Miyerkules na sumuko na sa mga awtoridad ang SUV driver.
Nito ring Miyerkules, inilahad ni Metropolitan Manila Development Authority chairperson Romando Artes Jr. na hindi matukoy ng ahensya ang may-ari ng SUV dahil wala itong conduction sticker.
“Akin po agad pina-review ‘yung CCTV at sinabi ko sa aming tauhan na makipag- coordinate sa LTO. Ang problema walang conduction sticker ‘yung sasakyan tapos “7” lang ‘yung plate both sa harap at sa likod,” pahayag ni Artes. RNT/SA