MANILA, Philippines – Nagbabala si Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima sa bagong mayorya ng Senado na wala silang ibang opsyon sa ilalim ng Konstitusyon kundi ang simulan ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay De Lima, anumang tangka na harangin ang proseso ay maaaring mag-udyok ng paghahain ng petition for mandamus sa Korte Suprema upang pilitin ang mga senador na gampanan ang kanilang tungkulin.
Hindi rin pinalampas ni De Lima ang naging balasahan sa liderato ng Senado kung saan pinalitan ni Alan Peter Cayetano si Tito Sotto III bilang Senate President, matapos makuha ang suporta ng 13 senador.
Para kay De Lima, mahirap ihiwalay ang timing ng “leadership coup” sa usapin ng impeachment.
“Hindi natin maiwasan magduda o mag-suspect na may kinalaman sa impeachment, dahil alam naman nila na kahapon ang voting dito sa House. Ano ho ba ang balak nila nung bagong majority sa proseso ng impeachment?” tanong ni De Lima.
Iginiit ng mambabatas na malinaw ang Saligang Batas: kapag na-transmit na ang Articles of Impeachment, ang paglilitis ay dapat magpatuloy.
Paliwanag niya, hindi man kailangang magsimula agad ang mismong trial proper kailangan namang i-set na ang constitutional machinery gaya ng pormal na pagtanggap sa articles, pag-convene, at panunumpa ng mga senador bilang mga senator-judge.
Binigyang-diin ni De Lima na ang pag-convene ng impeachment court ay isang ministerial duty o obligasyong hindi pwedeng iwasan o piliin ng Senado.
“Kung hindi agad matuloy lalo na kung manaig ang majority na huwag na lang tayong mag-convene, nandyan ang remedy ng petition for mandamus. Wala silang option, wala silang discretion, prerogative o kapangyarihan na huwag itong gawin,” ani De Lima.
Ang mandamus ay isang legal na remedyo kung saan uutusan ng Korte Suprema ang isang ahensya o opisyal na gawin ang kanilang tungkulin na itinakda ng batas.
Babala pa ni De Lima, ang pagtanggi ng Senado na mag-convene ay maituturing na constitutional breach. Maaari rin umanong pag-usapan sa huli ang mga administrative o criminal liability, gaya ng dereliction of duty kung patuloy iisnabin ng Senado ang proseso. Gail Mendoza