Home HOME BANNER STORY Senado dapat makipagtulungan, ‘wag harangin imbestigasyon ng Ombudsman – Tulfo

Senado dapat makipagtulungan, ‘wag harangin imbestigasyon ng Ombudsman – Tulfo

50
0

MANILA, Philippines – Dapat makipagtulungan ang Senado sa imbestigasyon ng Ombudsman sa May 13 shooting incident sa halip na harangin ito o pigilan, ayon kay Senador Erwin Tulfo.

Ani Tulfo, ang pagtangging tanggapin ang subpoena o pagtanggi sa pagturn-over ng ebidensya ay magpapataas lamang ng pagdududa ng publiko.

Sa panayam, sinabi ni Tulfo na sasabihin niya ang bagay na ito sa pagbabalik-sesyon ngayong Lunes, Mayo 18, kasunod ng mga report na tumanggi ang Senado na tanggapin ang preventive suspension order laban kay Office of the Senate Sergeant-at-Arms chief Mao Aplasca at ang subpoena para sa closed-circuit television footage.

“May mga subpoena, meron tayong ika nga investigation ongoing, tapos ayaw natin mag-cooperate. It’s really a bad example,” sinabi ni Tulfo.

Nauna nang inamin ni Aplasca na siya ang unang nagpaputok ng warning shot matapos makita ang mga armadong indibidwal, na kalaunan ay sinabi niyang mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) na nasa hurisdiksyon ng Senado.

Aniya, hinamon ng OSAA personnel ang mga armadong indibidwal at tinanong ang mga ito na magpakilala kasabay ng utos na ibaba ang kanilang mga armas na hindi naman ginawa ng kabilang kampo.

Idinagdag pa niya na bigo umanong makipag-ugnayan ang NBI sa kanila bago ang operasyon.

Sinabi ni Tulfo na ang Senado ay hindi dapat magmukhang mas mataas ito sa batas lalo na sa panahon ng pagtukoy ng mga imbestigador kung ang insidente ay planado o kung tunay na ‘under attack’ ang Senado.

“I will definitely stand up. I will manifest na we have to follow rules. We are not above the law,” aniya.

Kailangang makipagtulungan para maprotektahan ang kredibilidad ng Senado at magkaroon ng linaw ang iba’t ibang pahayag kaugnay sa insidente.

“Kung piprevent mo, nakakahiya. Parang you’re hiding something if you’re going to stop the Ombudsman.”

Ani Tulfo, premature umano para mag-demand ng accountability mula kay Senate President Alan Peter Cayetano hangga’t hindi natatapos ang imbestigasyon.

Dapat payagan ng Senado ang pagdinig at muling tumutok sa legislation at ang inaasahang pagco-convene bilang impeachment court laban kay Vice President Sara Duterte. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here