Home NATIONWIDE Senado hihingi ng karagdagang impormasyon sa pagtanggap ng Pilipinas sa Afghan refugees

Senado hihingi ng karagdagang impormasyon sa pagtanggap ng Pilipinas sa Afghan refugees

MANILA, Philippines – Naghahanap ang Senado ng karagdagang detalye sa desisyon ng Pilipinas na payagan ang hiling ng Estados Unidos na payagan ang pagpasok at temporary housing ng limitadong bilang ng mga refugee mula Afghanistan, sa deliberasyon ng Senado sa badyet ng Department of Foreign Affairs.

“Gagamitin namin marahil ang budget hearings para makuha sa DFA ang detalye sa mga bagay na ito. Ang budget ay pagkakataon hindi lamang para maningil kundi para na rin maliwanagan ang mga isyu na kinakaharap natin and we will use that opportunity,” pahayag ni Senate President Francis “Chiz” Escudero.

“‘Yun detalye DFA ang nakakaalam. Tatanungin namin iyan. Pero wala ako nakita sa [National Expenditure Program] na budget para dyan,” dagdag niya.

Ayon sa Senate president, nauunawaan niya ang kasunduan na patuluyin ang Afghan refugees bilang ‘temporary.’

“Alam ko temporary lamang iyun at babalik sila sa pinanggalingan nila. Pero alam ko pagdating dito ay processing na lang ang kulang para makapasok sa US. Tandaan ninyo, ang nangako sa kanila ay Amerikano na dadalhin sila sa Amerika, hindi sa Pilipinas.”

Nitong Martes, Agosto 20, inanunsyo ng DFA na pumayag na ang Pilipinas sa hiling ng US na payagan ang pagpasok at temporary housing ng limitadong bilang ng mga residente mula Afghanistan.

Sa ilalim ng kasunduan sa Washington, sinabi ng DFA na ang US government “is supporting necessary services for those Afghans temporarily in the Philippines, including food, housing, security, medical, and transportation to complete visa processing” bago ang resettlement nito sa Estados Unidos.

Ang mga Afghan nationals, ay mananatili pansamantala sa bansa hanggang sa maisyu na ang kanilang Special Immigrant Visas (SIVs) para sa kanilang resettlement sa US.

Wala namang eksaktong bilang kung ilan ang mga Afghans na papasok sa bansa. RNT/JGC