Home NATIONWIDE Senado magsasagawa ng executive session sa intel agencies vs Alice Guo

Senado magsasagawa ng executive session sa intel agencies vs Alice Guo

MANILA, Philippines- Magsasagawa ng executive session ang Senate women, children, family relations, and gender equality committee kasama ang kinatawan ng executive department at intelligence agencies upang lumalalim ang imbestigasyon kay Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa papel nito sa nilusob na Philippine offshore gaming operator (POGO) hub sa naturang bayan

Sa isang panayam nitong Lunes, sinabi ni Senador Risa Hontiveros, chairman ng lupon, na isasagawa ang executive session bago ituloy ang ikatlong public hearing habang nasa adjournment sine die ang second regular session of the 19th Congress.

“Meron tayong mga executive departments at agencies, kasama na ang mga intel agencies, na mas gusto pang magbahagi sa aming komite pero hindi pa nila magawa in open hearing. Gagawa kami ng isang executive session ngayong mga panahong ito,” giit ni Hontiveros.

“Sa palagay ko sa executive session na ‘yan, mas maraming lalabas talaga at mae-establish tungkol sa kanyang koneksyon sa POGO, sa criminal connections, at pati sa kanyang hindi mapaliwanag na kayamanan,” dagdag niya.

Iniimbestigahan ng Senado ang pagkakakilanlan ni Guo dahil sangkot ang alklade sa illgal na aktibidad sa POGO hub sa mismong lupain nito sa Bamban, Tarlac na nilusob ng awtoridad, kung saan nakatayo sa 10-hectare compound ng Zun Yuan Technology Incorporated sa loob ng Baofu compound sa likod mismo ng Bamban municipal hall.

Natuklasan pa ng Senado na kasosyo ni Guo ang ilang incorporator ng POGO na kanyang pinabulaanan.

Mas ginusto ni Hontiveros na dumalo sa executive session ang ilang lokal na opisyal kaysa papuntahin si Guo.

“Posibleng ganon, posibleng hindi rin. Depende sa aming mapa-finalize sa mga tanong na ihaharap sa executive agencies na ‘yan. Pero kung sa akin lang, mas posibleng imbitado siya, pero piling-pili ang mga resource persons,” wika ng senador.

Aniya, anumang matutuklasan sa executive session ang magiging basehan ng mga susunod na imbestigasyon. Inaasahan din niyang makakukuha ng mas matitibay na ebidensya ang Senado at rekomendasyon sa kanilang committee report hinggil sa imbestigasyon.

Naunang nabulgar na walang birth records ang sinasabing magulang ni Guo base sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Malaki ang paniniwala ni PSA legal service director Eliezer Ambatali o may “high possibility” na hindi totoo ang pangalan nina Angelito Guo at Amelia Leal—na lumitaw sa late registration ng birth certificate ni Guo.

Pinabulaanan din ni Guo na nalalaman niya na may criminal records ng kanyang business partners.

Gamit ang dokumento ng Baofu Land Development Inc. noong 2019 sa Securities and Exchange Commission (SEC), natuklasan na bagong kasosyo ni Guo sina Rachel Joan Malonzo Carreon, isang Pilipino; Zhiyang Huang, isang Cypriot; Zhang Ruijin, isang Chinese; at Baoying Lin, isang Dominican. Ernie Reyes