Home HOME BANNER STORY Luzon Grid isasailalim sa red, yellow alerts ngayong Lunes ng hapon

Luzon Grid isasailalim sa red, yellow alerts ngayong Lunes ng hapon

MANILA, Philippines- Isasailalim ang Luzon Grid sa red alert sa loob ng anim na oras ngayong Lunes ng hapon at sa yellow alert sa loob ng ilang oras sa parehong araw, dahil mahigit 20 power plants ang nananatili sa forced outage o nagsasagawa ng operasyon sa derated capacities.

Sa abiso ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), sinabi nitong paiiralin sa Luzon Grid ang red alert mula alas-4 ng hapon hanggang alas-10 ng gabi ngayong Lunes, Mayo 27, 2024, na nangangahulugang kulang ang power supply upang tugunan ang consumer demand at regulating requirement ng transmission grid.

Isasailalim din ang grid sa yellow alert mula ala-1 hanggang alas-4 ng hapon, at mula alas-10 hanggang alas-11 ng gabi sa parehong araw, na nangangahulugang kapos ang operating margin upang tugunan ang contingency requirement ng transmission grid.

Kasunod ito ng ulat na ang grid ay mayroon lamang available capacity na 12,326 megawatts, kumpara sa peak demand na 11,455 megawatts, kung saan 4,497.3 megawatts ang unavailable sa grid.

Sinabi naman ng Manila Electric Company (Meralco) na inabisuhan ang customers na naka-enroll sa interruptible load program (ILP) para sa kanilang de-loading commitments,at nakahanda itong magpatupad ng rotational brownouts.

“If necessary, we are ready to implement manual load dropping (MLD) or rotational power interruptions as part of our responsibility to manage the system,” pahayag ni Meralco spokesperson at head of corporate communications Joe Zaldarriaga.

“We are monitoring the situation and will provide updates as needed,” dagdag niya. RNT/SA