Home NATIONWIDE Senado makakalipat sa bagong BGC building sa Mayo 2025 pa – Chiz

Senado makakalipat sa bagong BGC building sa Mayo 2025 pa – Chiz

MANILA, Philippines – Inihayag ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na nakatakdang makalipat ang Senado sa bagong gusali nito sa Bonifacio Global City (BGC) sa Mayo 2025 o sa huling bahagi ng Mayo 202.

Sa pahayag, sinabi ni Escudero na hindi maaaring lumipat ang Senado sa gitna ng sesyon dahil mahahadlangan ang tungkulin ng Mataas na Kapulungan sa legislative works nito.

“Malamang hindi pa kami makakalipat sa katapusan ng taong ito. Though ang meeting isasagawa namin this week o next week…pero malamang hindi mangyayari ‘yan ngayong taong ito. Hindi dahil sa akin, hindi ko kasalanan, walang may kasalanan, ‘yun lang talaga ang sitwasyon. At ayoko lumipat na hindi pa kami handa,” ayon kay Escudero.

“Mas importante siguro na handang-handa na kami at hindi rin pwede na sa kalagitnaan ng session at baka maantala ang trabaho. Ang pinakamagandang panahon ng paglipat ay pagka nag-adjourn na ang Senado sine die, so ang ta-targetin naming paglipat marahil ay [May] 2025 sine die [adjournment]. Kung hindi aabot doon, 2026 sine die. Kung hindi aabot doon, 2027 sine die. At least may dalawang buwan kaming para pormal na maglipat at mag-ayos para pag resume mas smooth ang takbo ng trabaho,” paliwanag ni Escudero.

Nagsara ang sesyon ng Senado at Mababang Kapulungan sa sine die kada ikatlong linggo ng Mayo kada taon kaya’t hindi magkakaroon ng plenaryo ang Kongreso sa loob ng 2 buwan bago magsagawa ng State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo.

Ayon kay Escudero,waa ang sapat na parking lot ang bagong gusali ng Senado.

“Ang balita ko walang parking. Gusto niyo bang lumipat doon bukas nang walang parking? Hindi, ‘di ba? So isa ‘yan sa aasikasuhin namin pero may na-identify kaming posibleng lote o lupa para sa parking. Tulad din naman dito sa Senado na inaayos na naming ang parking, hindi lamang ng bisita pero pati na rin lahat ng nagtatrabaho dito nang regular,” ani Escudero.

Sa ngayon, pinayagan ni Escudero ang pagbili ng bagong air conditioning units sa Senate, na umuupa sa ilang bahagi ng Government Service Insurance System building.

“Iyong aircon, nagtitipid pa ang Senado…dahil ayaw nilang gawin ito dahil lilipat na raw. Matagal-tagal pa rin naman ang isang taon, matagal-tagal pa rin ang dalawang taon na mainit iyong kinalalagyan nating lahat dito,” ayon kay Escudero.

“At kung saka-sakaling gagawin naman natin at idi-dispose at ibebenta natin, mas malaki naman ang kikitain ng Senado pag ayos ang binebenta natin. Kesa naman sa sira ang dini-dispose at binebenta natin. So, pinagbigay utos ko kanina na kung ano kailangan, kunin na para naman lumamig na ang aircon natin dito para sa lahat at inaasahan ko bago mag-SONA magagawa iyon,” dagdag ng senador. Ernie Reyes