Home NATIONWIDE Senado nag-isyu ng show cause order vs Quiboloy

Senado nag-isyu ng show cause order vs Quiboloy

MANILA, Philippines- Binigyan ng Senado ang televangelist na si Apollo Quiboloy ng 48 oras upang magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat arestuhin at iditene sa Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA).

Ito ang mensahe ng show cause order na inilabas ni Senator Risa Hontiveros nitong Martes ng gabi, ilang oras matapos ang pulong kay Senate President Juan Miguel Zubiri ukol sa umiiral na Senate investigation kay Quiboloy.

Subalit, nakasaad dokumento ang petsang “March 13, 2024” date dahil isisilbi ito kay Quiboloy ngayong Miyerkules.

“You are hereby ordered to show cause within a non-extendible period of forty eight (48) hours from receipt of this Order why you should not be ordered arrested and detained at the Office of the Sergeant-At-Arms,” pahayag ni Hontiveros.

“The Sergeant-At-Arms is hereby directed to make a return hereof within twenty four (24) hours from its enforcement,” ayon pa sa order.

Pinamumunuan ni Hontiveros, Chairperson of the Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ang imbestigasyon sa umano’y human trafficking activities at pang-aabuso sa mga kabataan at mga kababaihan.

Nakapag-isyu na ang panel ng tatlong imbestigasyon kay Quiboloy na may petsang January 23, February 19 at March 5.

Hindi naman sumipot si Quiboloy sa pagdinig.

Nauna nang kinondena ni Hontiveros ang umano’y “17 conditions” ni Quiboloy sa pagdalo sa Senate hearing, na tinawag ang mga itong “out of this world”.

“Dinaig pa ni Pastor Quiboloy ang Sampung Utos ng Dyos. Ang masasabi ko lang dyan, BAKIT SENADO ANG MAG-AADJUST SA KANYA? The Senate will not bend its rules and procedures for you, Pastor Quiboloy, even if you are, as you say, a self-appointed son of God. Hindi kami para utusan mo. You will not mock the system of checks and balances on our watch. This is not up for debate,” giit ng senador.

Samantala, limang senador lamang ang pumirma sa “written objection” ni Senator Robin Padilla sa contempt ruling ni Hontiveros laban Quiboloy hanggang sa March 12 deadline nito.

Kinumpirma ito ni Padilla nitong Martes ng gabi sa pagtanggap niya sa kanyang pagkatalo sa tangka niyang pagsagip kay Quiboloy mula sa posibleng pag-aresto ng Senado.

“Wala na po pag-asa ang 8 signatures,” wika ni Padilla nang tanungin ukol sa March 12 deadline ng pagkalap ng lagda.

Bukod kay Padilla, ang iba pang miyembro ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na lumagda sa written objection ay sina Senators Imee Marcos, Cynthia Villar, Christopher “Bong” Go, at Mark Villar.

“Tapos na po ang deadline. Kaya po kahapon ako po ay nag-privilege speech patungkol sa due process at show cause order,” ani Padilla.

Nang tanungin kung tanggap na niya ang pagkatalo, tumugon si Padilla, “Oks lang yan.”

“Hanggang may legal na paraan ay gagawin natin,” giit ng senador. Ernie Reyes

Previous articleKonstruksyon ng biking facilities sa Metro Cebu tututukan ng DOTr
Next articleKylie, umamin sa bagong jowa!